top of page
Search

ni Nancy Binay @Be Nice Tayo | Abril 11, 2024



Kamakailan lang ay inulit natin ang panawagan natin sa Philippine Retirement Authority na paigtingin ang pag-screen at pagsuri sa mga applications para sa special resident retiree visas (SRRV).


Bunsod ito ng posibilidad na baka sinasamantala ng “Chinese mafia” ang naturang SRRV.


☻☻☻


Nitong nakaraang linggo, iniulat ng Bureau of Immigration na natimbog nito ang apat na Chinese nationals na pinaghihinalaang responsable sa paglipana ng mga Philippine government-issued identification cards and documents -- kasama ang SRRV -- na ilegal na nakakalap.


Kabilang sa mga nahuli ang itinuturing na mastermind ng operasyon, na kilala raw sa Palawan dahil sa pamemeke at lider ng isang gang na nagbibigay ng mga dokumentong ito sa mga “undesirable aliens” at biktima ng trafficking.


Kasama sa mga na-recover sa operation ang maraming Philippine-issued ID, gayundin, mga driver’s license, postal ID, at mga birth certificate.


☻☻☻


Matagal na nating tinutuligsa ang proseso ng application para sa SRRV.


Naniniwala tayong matagal nang pinagsasamantalahan ang proseso nito, lalo na sa pagpayag na mag-“retire” ang mga aplikanteng nasa 35 taong gulang pa lamang.


Ayon sa record ng PRA, nasa 30,000 ng 78,000 foreign retirees sa bansa ay mga Chinese nationals, at marami sa mga ito ay mga bata-batang “retirees” na pasok pa sa edad ng mga sundalo.


☻☻☻


Nababahala tayo na dumarami ang mga nahuhuling Chinese nationals na nakakapagpresinta ng tunay na Philippine-issued IDs and documents na kumikilala sa kanila bilang mga retirees o ‘di kaya’y Filipino traders.


Seryosong national security concern ang ganitong klaseng mga butas sa proseso ng pagpapapasok ng mga dayuhan sa bansa.


Hindi lang PRA, kundi buong pamahalaan ang magmatyag upang masiguro na walang ilegal na nakapapasok sa bansa, at parusahan ang mga responsable sa ilegal na gawain.



 

Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BE NICE TAYO ni Sen. Nancy Binay, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa benicetayo.gmail.com.


Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran. Always Be Nice! FOLLOW US!  Facebook: www.facebook.com/SenatorNancyBinay Twitter: www.twitter.com/SenatorBinay @SenatorBinay Instagram: @SenatorNancyBinay

 
 

ni Nancy Binay @Be Nice Tayo | Abril 7, 2024



Nitong nakaraang linggo ay sinimulan na ang pagdinig sa Senado para imbestigahan ang pagpapatayo ng resort sa Chocolate Hills.


Inihain natin ang Senate Resolution number 967 dahil gusto nating malaman kung bakit pinayagang mag-construct ng mga konkretong istruktura sa Chocolate Hills sa kabila ng pagiging protected area nito.


Bukod kasi sa pagdeklara ng UNESCO sa Chocolate Hills bilang kauna-unahan at natatanging global geopark sa Pilipinas, kasama rin ito sa protected areas sa ilalim ng National Integrated Protected Areas System Act.


☻☻☻ 


Nakakadismaya dahil tila hindi binibigyang halaga ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang mga meeting nito kasama ang Protected Area Management Board (PAMB). 


Lumabas kasi sa hearing na nakakuha ng PAMB clearance ang Captain’s Peak Garden and Resort noong panahon na DENR regional executive director in Central Visayas si DENR Asec. Gilbert Gonzales.


Depensa naman ni Gonzales, wala siya sa meeting noong naibigay ang clearance dahil may ibang meeting siya na dinaluhan.


Nang tanungin namin siya kung alam niya ang nangyaring talakayan at pag-uusap sa meeting, wala siyang maisagot dahil ang basehan lamang nila ay ang official minutes ng nasabing pagpupulong.


Nakakagulat ito dahil ayon sa ahensya, walang audio/video recording na magpapakita sa atin kung anong nangyari at magba-validate sana sa nakasaad sa official minutes of the meeting.


☻☻☻


Sinabi naman ni Secretary Antonia Loyzaga na nasa proseso rin sila ng sarili nilang pag-imbestiga o pagdinig sa issue ng Captain’s Peak.


Pero sa akin ‘yung structure itself dapat matanggal talaga.


Bukod kasi sa ang sakit sa bangs nu’ng itsura ng resort, baka maging daan pa ito para mas marami ang magtayo ng mga istruktura sa ating mga protected area.


☻☻☻


Patuloy pa rin tayong mag-ingat sa paglabas ng bahay, magsuot ng face mask ‘pag kinakailangan, ugaliing maghugas ng kamay, bigyang-halaga ang kalusugan, at huwag kalilimutang magdasal.


Be Safe. Be Well. Be Nice!  


 

Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BE NICE TAYO ni Sen. Nancy Binay, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa benicetayo.gmail.com.


Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran. Always Be Nice! FOLLOW US!  Facebook: www.facebook.com/SenatorNancyBinay Twitter: www.twitter.com/SenatorBinay @SenatorBinay Instagram: @SenatorNancyBinay

 
 

ni Nancy Binay @Be Nice Tayo | Abril 4, 2024



Tuwing April ay idinaraos ng bansa ang Filipino Food Month.


Itinakda ng Presidential Proclamation No. 469 na napirmahan noong April 13, 2018 ang komemorasyon ng pagkaing Pilipino.


Ito ay bilang pagkilala sa pangangailangan na preserbahin ang ating food and culinary heritage at maging ang mga magsasaka, mangingisda, at iba pang producer na responsable sa pagdala ng pagkain sa ating mga hapag.


☻☻☻


May mahalagang papel ang pagkain at ang proseso ng pagkalap nito sa paghubog ng ating pagkakakilanlan.


Lalo na sa panahon ng tagtuyot at patuloy na pag-init ng klima, marami sa mga katutubong halaman at pagkain natin ang nawawala na.


Bukod sa pisikal na pagkawala, nabubura na rin sa kamalayan ng mga kababayan natin ang iba’t ibang pagkain ng mga nauna sa atin.


Iba-iba ang dahilan nito, gaya ng kawalan ng access sa mga sangkap tulad ng prutas o gulay, hindi naipasang karunungan mula mas matandang henerasyon gaya sa kaso ng mga putahe, o ‘di kaya kawalan ng interes mula sa kasalukuyang henerasyon tungkol sa mayamang kasaysayan ng ating pagkain. 


☻☻☻


Ilan pa nga ba sa atin ang nakakakilala ng mga prutas gaya ng tibig, anonas at zapote, o mga dahong ginagawang sangkap tulad ng libas at papait?


Napakaraming pagkain mula sa iba’t ibang panig ng bansa na hindi nalalaman ng kapwa natin Pilipino.


Ngayong Filipino Food Month, umaasa tayo na may mga programa ang pamahalaan, sa pangunguna ng Department of Education, National Commission on Culture and the Arts, at Department of Tourism, na muling magpapaigting ng koneksyon natin sa ating pagkain.


Isang aktibidad na nais sana nating makita ay mga convergence event gaya ng mga fair na magtatampok ng mga sangkap at putahe na hindi gaanong accessible sa buong bansa.


Ngayong Filipino Food Month, mas umigting pa sana ang pagkilala at pagpapahalaga natin sa pagkaing Pinoy.


☻☻☻


Paalala lamang sa lahat na patuloy pa ring mag-ingat sa paglabas ng bahay, magsuot ng face mask, ugaliing maghugas ng kamay, bigyang-halaga ang kalusugan, at huwag kalilimutang magdasal. Malalagpasan din natin ito.


Be Safe. Be Well. Be Nice!



 

Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BE NICE TAYO ni Sen. Nancy Binay, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa benicetayo.gmail.com.


Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran. Always Be Nice! FOLLOW US!  Facebook: www.facebook.com/SenatorNancyBinay Twitter: www.twitter.com/SenatorBinay @SenatorBinay Instagram: @SenatorNancyBinay

 
 
RECOMMENDED
bottom of page