ni Nancy Binay @Be Nice Tayo | July 7, 2024
Dapat humingi ng tawad si Sen. Alan Peter Cayetano sa kanyang mga binitawang salita laban sa media.
Pinapalabas kasi ni Cayetano na tila nadidiktahan ang media pagdating sa mga interview.
Sa isang hearing sa Senado pinatutsadahan niya ang media, lalo na ang mga radio anchor dahil iisa lang daw ang tanong nila sa mga panayam.
☻☻☻
Nakakalungkot dahil hindi naman kailangang magbigay ng ganitong mga paratang lalo na sa media.
Ang masama pa rito, nakalagay ito on record dahil ginawa niya ang mga patutsadang ito sa isang pagdinig sa Senado.
Kung sabagay, ‘yung bisita nga mula sa DPWH hindi makapagpaliwanag ng maayos dahil binabara niya kapag hindi pasok sa gusto niyang marinig ang paliwanag.
☻☻☻
Mariin nating kinukondena ang mga pagpapahiwatig ni Sen. Cayetano na ang mga miyembro ng media ay maaaring maimpluwensiyahan o kaya naman maimpluwensiyahan ng mga senador.
Malaking insulto ito sa media lalo na sa mga miyembro ng Senate media at nagpapakita ng kawalan ng respeto sa larangan ng pamamahayag.Iginagalang natin ang aming mga kasamahan mula sa media at nananatiling katuwang ang Senado sa pagtataguyod ng malayang pamamahayag.
☻☻☻
Patuloy pa rin tayong mag-ingat sa paglabas ng bahay, magsuot ng face mask pag kinakailangan, ugaliing maghugas ng kamay, bigyang-halaga ang kalusugan, at huwag kalilimutang magdasal. Be Safe. Be Well. Be Nice!
☻☻☻
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BE NICE TAYO ni Sen. Nancy Binay, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa benicetayo.gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran. Always Be Nice!
FOLLOW US! Facebook: www.facebook.com/SenatorNancyBinay Twitter: www.twitter.com/SenatorBinay @SenatorBinay Instagram: @SenatorNancyBinay