ni Nancy Binay @Be Nice Tayo | Nov. 17, 2024
Tuluyan na ngang umarangkada sa plenaryo ng Senado ang mga debate para sa budget ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan.
Una nang inaprubahan ang panukalang badyet ng Office of the President at Office of the Vice President.
Samantala, itinanong naman natin sa budget deliberations ng DHSUD, NHA at Pag-IBIG kung naipaunawa ba nang maayos sa mga benepisyaryo ng 4PH condo-housing ng pamahalaan ang magiging responsibilidad nila pagdating sa mga iba pang bayarin tulad ng association dues, common-use areas, security, maintenance, at amilyar.
Magkaiba ang manirahan sa isang condominium at sa isang regular na bahay. Inaalala natin na bagama’t mura’t maganda ang layunin ng programang pabahay ng gobyerno, hindi lubos na naiintindihan ng mga benepisyaryo kung ano ang mga napapaloob sa amortisasyon na aabutin ng 30 taon.
Nais din natin malaman kung nasa mandato ba ng Pag-IBIG ang magkolekta ng association dues o iba pang bayarin sa ngalan ng homeowners.
Mas mainam na pag-aralan pa ng DHSUD ang pag-iisip, gawi’t kilos ng mga resipyente ng 4PH upang mas maayos na mabalangkas ang programa para sa medium-rise housing lalo na sa mga informal settler families.
☻☻☻
Palagi nating tinatanong tuwing budget deliberations ng DND at OCD, at inaalam natin kung gaano ba tayo kahanda kaugnay sa pagresponde kapag may mga kalamidad at sakuna?
‘Di pa man natatapos ang 2024, umabot na sa P150 bilyon ang mga nasirang imprastruktura at mga napinsalang produktong agrikultura dulot ng mga nakaraang 12 bagyo’t mga kalamidad.
Bukod sa preparedness trainings, kailangan din natin ng karagdagang kagamitan at prepositioned supplies upang madali at mabilis tayong makapagresponde.
Gusto nating malaman, in terms of equipment and resources, kung gaano tayo kahanda para sa mga operasyon ng pagsagip sa panahon ng sakuna.
Tuloy pa rin ang pagbusisi natin sa budget ng iba’t ibang ahensya sa susunod na linggo at makakaasa ang lahat na titiyakin natin na ang pondo ng bayan ay magagamit ng tama.
☻☻☻
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BE NICE TAYO ni Sen. Nancy Binay, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa benicetayo.gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran. Always Be Nice!
FOLLOW US! Facebook: www.facebook.com/SenatorNancyBinay Twitter: www.twitter.com/SenatorBinay @SenatorBinay Instagram: @SenatorNancyBinay