ni Jun Simon | May 2, 2023
Umabot sa mahigit 40 domestic flights ang nakansela o na-delay sanhi ng power outage sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 kahapon, May 1.
Mahigit walong oras nawalan ng supply ng kuryente ang terminal na naging dahilan ng pansamantalang paghinto ng operasyon ng flights kung saan libu-libong pasahero rin ang apektado at hindi agad nakalipad.
Dahil sa power outage, maraming pasahero ang nagreklamo sa mainit na sitwasyon sa loob ng terminal sanhi na rin sa kawalan ng airconditioning system.
Pasado ala-1 ng madaling-araw ng Lunes nang mawalan ng kuryente ang T3 kung saan gumamit ng backup generator ang Manila International Airport Authority (MIAA).
Nagsagawa naman ng ocular inspection si Transportation Secretary Jaime Bautista at MIAA General Manager Cesar Chiong sa mga pasilidad ng paliparan upang alamin ang sitwasyon ng mga pasahero.