ni Lolet Abania | March 12, 2021
Dalawang batang magkapatid na nasa loob ng naka-lock na kotse habang nakaparada sa Cagayan de Oro City ang nasagip ng mga awtoridad ngayong Biyernes.
Ayon sa ulat, halos inabot ng kalahating oras na nasa loob ng sasakyan ang isang 3-anyos at 1-taong gulang na magkapatid bago napansin ng mga nagdaraan sa lugar habang humihingi na ng tulong ang mga ito.
Agad namang tumawag ang mga tao sa lugar sa Road Traffic Administration upang mabuksan at mailabas sa kotse ang dalawang bata, kung saan nailigtas ang mga ito sa ‘suffocation.’
Pinainom din agad ng tubig ang magkapatid upang hindi ma-dehydrate. Ilang saglit ay dumating ang ama ng dalawang bata na kinausap agad ng mga awtoridad.
Batay sa lumabas na imbestigasyon, may binili lamang ang ama at nagpasyang iwan sa loob ng kotse ang kanyang mga anak. Hindi na kinasuhan ang ama na nangakong hindi na mauulit ang nasabing insidente.
Sa ilalim ng ipinatutupad na Child Safety in Motor Vehicles Act, ipinagbabawal na iwanan ang bata o mga bata sa loob ng sasakyan.
May kaukulang multa na P1,000 sa unang paglabag, P2,000 sa pangalawa, habang sa ikatlo at susunod na paglabag ay P5,000 at isang taon na suspendido ang lisensiya sa pagmamaneho.
Marami nang naiulat na insidente kung saan may mga batang iniiwan ng kanilang mga magulang sa mga sasakyan at na-lock sa loob ang nauuwi sa pagkasawi dahil sa suffocation.