ni Lolet Abania | December 2, 2020
Para sa mga kostumer ng Maynilad Water Services, Inc. at Manila Water Company, Inc. asahan ang pagbaba ng mga bayarin sa water bill sa unang tatlong buwan ng 2021, kasabay ng pag-apruba ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) ng isang quarterly adjustment para sa mga water distribution utilities.
Ngayong Miyerkules, nagpalabas ng anunsiyo ang MWSS Regulatory Office (RO) kung saan inaprubahan ng MWSS Board of Trustees ang rekomendasyong ipatupad sa first quarter ng 2021 ang foreign currency differential adjustment (FCDA) na magiging epektibo sa January 1, 2021, base ito sa naging pagsusuri sa FCDA proposals ng mga concessionaries.
Ang FCDA ay isang mekanismo na responsable sa accounts ng foreign exchange losses o gains na nakukuha mula sa mga loans ng MWSS at mga private sector concessionaires para sa capital expenditures at concession fees.
Ito ay nagsisilbi ring corrective mechanism sa mga nabuo o nagawa ng MWSS upang maiwasan ang under recovery o over recovery dahil sa mga forex movements.
Ang East zone concessionaire na Manila Water ay magpapatupad ng FCDA ng 0.66% para sa 2021 average basic charge ng P28.52 kada cubic meter o P0.19 kada cubic meter.
“This is a downward adjustment of P0.14 per cubic meter from the previous FCDA of P0.33 per cubic meter,” ayon sa pahayag ng MWSS.
Habang ang West zone concessionaire na Maynilad ay magpapatupad naman ng FCDA ng negative 0.39% para sa 2021 sa average basic charge na P36.24 kada cubic meter o -P0.14 kada cubic meter.
“This is also a downward adjustment of P0.05 per cubic meter from the previous FCDA of -P0.09 per cubic meter,” sabi pa ng MWSS.