top of page
Search

ni Mary Gutierrez Almirañez | May 2, 2021




Ipamamahagi na sa 5 lungsod sa Metro Manila ang bakunang Sputnik V COVID-19 vaccines na nakaimbak sa MetroPac cold storage facility ng Marikina City, ayon kay Department of Health (DOH) Director Napoleon Arevalo.


Kabilang sa mabibigyan ay ang mga lungsod ng Manila, Makati, Taguig, Parañaque at Muntinlupa na may negative 18 degree Celsius cold storage facility na siyang requirement para hindi masira ang bakuna.


Matatandaang dumating kahapon ang initial 15,000 doses ng Sputnik V ng Gamaleya Research Institute at inaasahan namang masusundan ito ng 485,000 doses ngayong buwan.

 
 

ni Lolet Abania | April 27, 2021




Inirereklamo na ng mga residente ang masangsang na amoy at makakapal na usok na nagmumula umano sa isang public crematorium sa Muntinlupa City.


Ayon sa local government unit (LGU) ng Muntinlupa, walang dapat ipangamba ang mga residente sa lumalabas na usok dahil hindi umano ito banta sa kanilang kalusugan.


Bagama’t mayroong pader sa pagitan ng crematorium at mga kabahayan, mababa naman umano ang pagkakagawa nito.


Maging ang chimney ay halos kasingtaas lamang umano ng ibang mga bahay kaya pumapasok ang usok sa mga ito.

At dahil sa perhuwisyong nararanasan, ilang residente na rin ang umalis sa lugar at lumipat na ng tirahan.


Gayunman, inatasan na umano ng lokal na pamahalaan ang nasabing public crematorium na taasan ang kanilang chimney at agad itong gawin, subalit pag-uusapan pa umano nila ang tungkol sa pagpapataas ng pader nito.


“Wala naman daw po itong banta dahil mayroon namang inilalagay na kemikal doon sa pagsusunog at saka ito po ay may disinfection, every after ng kini-cremate. ‘Yung sinasabi nilang masangsang na amoy, pinaiimbestigahan pa rin ‘yan,” ayon sa head ng Public Information Office (PIO) ng Muntinlupa City na si Tess Navarro, na hindi binanggit ang detalye ng public crematorium.


“Pero according to the technician, ang tao o ang namatay, ‘pag nasusunog po, wala hong amoy ‘yan, maliban sa... Nilalagyan ho kasi ng chemicals ‘yan para ‘di po siya umamoy,” sabi pa ni Navarro.


Humihingi naman ng pang-unawa ang Muntinlupa City government sa mga apektadong residente. Anila, agad nilang tutugunan ang mga reklamo ng kanilang mga kababayan.


Samantala, ayon sa LGU, tatlong bangkay ang kini-cremate kada araw sa naturang public crematorium.


 
 

ni Lolet Abania | December 13, 2020




Nakasabat ang awtoridad ng P54 milyong halaga ng hinihinalang shabu sa isang drug buy-bust operation sa Muntinlupa City kahapon.


Sa pahayag ng Philippine National Police (PNP), ang dalawang naarestong suspek ay may malaking papel sa sinasabing drug distribution network sa bansa.


Kinilala ang mga suspek na sina Renzy Louise Javier Vizcarra at Red Lewy Javier Vizcarra.


Sa ulat, nagsagawa ng buy bust operation nang alas-5:00 ng hapon nu'ng Sabado ang pinagsanib na puwersa ng mga operatiba ng PNP, Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), Intelligence Service of Armed Forces of the Philippines (ISAFP) at National Intelligence Coordinating Agency (NICA) sa harapan ng isang fast food outlet sa Tunasan.


Nakumpiska rin sa dalawang suspek ang walong kilo ng hinihinalang shabu, tatlong mobile phones, isang Toyota Innova at boodle money.


"Our anti-illegal drugs campaign has resulted even more in this kind of accomplishment because of the cooperation between and among our law enforcement agencies which serves as a stern warning to drug dealers," ayon kay PNP Chief Police General Debold Sinas.


Inihahanda na ang kasong isasampa laban sa dalawang naarestong suspek.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page