ni Lolet Abania | July 18, 2021
Tinatayang nasa 23 katao ang namatay matapos na maraming tirahan ang nawasak sanhi ng gumuhong pader kasabay din ng landslide dahil sa malakas na Monsoon rains sa capital ng Mumbai, India ngayong Linggo.
Ayon sa National Disaster Response Force (NDRF), ang bumagsak na puno ang nakasira ng pader sa eastern suburb ng Chembur nitong Linggo nang umaga, kung saan may mga residente na nalibing nang buhay.
Umabot sa 17 bangkay ang narekober ng mga awtoridad mula sa pagguho, habang patuloy ang mga rescuers sa paghahanap sa iba pang labi at sa posibleng survivors sa insidente.
Batay din sa NDRF, sa suburb ng Vikhroli sa hilagang-silangan ng lungsod, 6 katao ang nasawi matapos ang landslide habang limang kabahayan ang matinding tinamaan nito ngayong umaga rin ng Linggo.
Karaniwan na ang mga pagguho ng mga gusali sa India sa tuwing Monsoon season mula Hunyo-Setyembre kung saan maraming mga lumang istruktura ang nanganganib na gumuho dahil sa walang tigil na mga pag-ulan.
Una nang iniulat nitong Sabado na ang Mumbai na tirahan ng 20 milyon indibidwal ay labis na naapektuhan dahil sa walang tigil na pagbuhos ng ulan, habang apektado rin ang kanilang local transport services.
“There will be moderate to heavy rains or thundershowers for the next two days,” ayon sa forecast ng Indian Meteorological Department ngayong Linggo. Naghayag naman ng pakikiramay si Prime Minister Narendra Modi sa kanyang tweet at sinabing magbibigay sila ng financial compensation para sa pamilya ng mga biktima.