ni Lolet Abania | September 3, 2020
Hiniling ng Movie, Television Review and Classification Board (MTRCB) sa Senado na payagan ang ahensiya na salain ang mga pelikula at TV series na ipinapalabas sa Netflix, Amazon Prime at iflix, kung saan anumang nilalaman ng motion picture ay dapat na saklaw ng mandato ng ibibigay na rating at nasa ilalim ng kanilang hurisdiksiyon.
Ayon kay Atty. Jonathan Presquito, Legal Affairs Division chief ng MTRCB, kinakailangan na i-regulate ang nasabing platforms upang masiguro na sumusunod ang mga ito sa panuntunan ng ahensiya.
"But all of those movies, Mr. Chair, unrated po 'yun, eh. And when the entity is registered with MTRCB, three things ang puwedeng mangyari na maa-assure natin ang ating viewers. First, 'yung napapanood ay age appropriate. Second, wala pong prohibited content na makikita and third, 'yung ipinapalabas ay mismong authorized 'yung distributor," sabi ni Presquito sa pagdinig kanina sa Senate Committee on Trade.
Ninanais din ng MTRCB na ipagbawal ang mga hindi nararapat na mapanood mula sa mga naturang video streaming services.