ni Angela Fernando @Entertainment News | September 5, 2024
Naglabas ng pahayag ang Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) na ni-reclassify nila ang pelikulang "Alipato at Muog" na nakakuha ng R-16 rating matapos ang ikalawang pagsusuri ng isang komite na binubuo ng limang miyembro.
Ang nasabing komite ay pinamunuan ni Atty. Maria Gabriela Concepcion bilang Review Committee Chairperson, at kinabibilangan nina Atty. Paulino Cases, Jr., producer ng pelikula at telebisyon na si JoAnn Bañaga, executive at music producer na si Eloisa Matias, at retiradong guro na si Maria Carmen Musngi.
Binigyang-linaw ng MTRCB na habang sinusuportahan ng Lupon ang mga pampaaralang pagpapalabas ng pelikula na daan para sa makabuluhang talakayan at pagpapahalaga sa sining ng nasabing industriya, dapat pa ring maunawaan na ang pagpapalabas ng mga ito sa loob ng akademya ay sakop pa rin ng hurisdiksyon ng MTRCB.
Alinsunod sa Sec. 7 ng Presidential Decree Blg. 1986 at mga alituntunin sa pagpapatupad nito, tanging mga pelikula, programang pantelebisyon, at materyales na publicized na direktang ipinalalabas o ipino-produce ng Pamahalaan ng 'Pinas at ng mga kagawaran at ahensya nito ang exempted sa pagsusuri at klasipikasyon ng Lupon.