top of page
Search

ni Angela Fernando @News | Oct. 8, 2024




Sinuri ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) ang mahigit 21,000 materyal nu'ng Setyembre, upang sikaping mabigyan ang mga ito ng angkop na klasipikasyon at ng kanilang mga pinakahuling ratings.


Kabilang sa mga narebyu ay ang 21,003 programa sa telebisyon, plugs, at trailers, 57 pelikula, 56 movie trailers, 127 publicity materials, at isang optical media. 


Hinimok naman ng ahensya ang publiko na sundan ang kanilang social media page o bisitahin ang website (mtrcb.gov.ph) para malamam ang mga ratings ng nasabing mga materyal. Patuloy din ang pagsisikap ng MTRCB na maging katuwang ng mga pamilyang Pilipino para sa mas responsableng panonood.

 
 

ni Angela Fernando @Entertainment | Oct. 2, 2024



News Photo

Inanunsyo ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) ang mga rating ng anim na pelikulang nabigyan ng angkop na klasipikasyon ngayong linggo.


Isa sa mga pelikulang ito ay ang Maple Leaf Dreams, isang kwentong pag-ibig at pagtupad ng mga pangarap, na nakatanggap ng PG (Patnubay at Gabay ng Magulang) rating mula kina Board Members (BMs) Katrina Angela Ebarle, Racquel Maria Cruz, at Glenn Patricio.


Sinundan naman ito ng Bad Genius, isang pelikulang mula sa Thailand, na nakatanggap din ng rated PG. Ang pelikulang Megalopolis, isang science-fiction film, pati na ang mga action-packed na "Twilight of the Warriors: Walled In" at ”I, The Executioner," naman ay pasok sa mga 16 pataas na manonood.


Samantala, ang The Paradise of Thorns, isang pelikulang tumatalakay sa pagmamahal, pagtanggap, at mga karapatan ng LGBT community, ay binigyan din ng R-16 rating. Ito ay sinuri nina BMs Racquel Maria Cruz, Atty. Cesar Pareja, at Richard Reynoso.


Hindi naman nakalimutan hikayatin ni MTRCB Chairperson and CEO Lala Sotto-Antonio ang publiko na suportahan ang mga pelikulang may angkop na klasipikasyon para sa iba't ibang manonood, lalo na para sa kabataan.

 
 

ni Angela Fernando @Entertainment News | September 7, 2024



Showbiz News

Nanindigan ang Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) sa kanilang ibinigay na X-rating sa kontrobersyal na "Dear Santa," na dating "Dear Satan," matapos nitong ilarawan sa mabuting paraan si Satanas.


Ito ay sinasabing pag-atake sa pangunahing paniniwala ng mga Katoliko at Kristiyano. Matatandaang ang nasabing pelikula ay unang binigyan ng X-rating matapos lumabag sa Presidential Decree No. 1986, Chapter IV, Section F, Subsection (c).


Alinsunod sa nasabing probisyon, ipagbabawal ng MTRCB ang pagpapalabas ng mga pelikula, programa sa telebisyon, at mga kaugnay na materyales o patalastas, na sa paghatol ng Lupon, ay malinaw na bumabatikos sa anumang lahi, paniniwala, o relihiyon.


Natuklasan ng Komiteng nagsuri sa pelikula na ang materyal ay naglalarawan kay Satanas bilang nilalang na may kakayahang magbago, na sinasabing isang pagbaluktot ng mga turo ng Simbahang Katoliko.


Binigyang-diin din ng Lupon na bilang isang regulatory body, kailangan nitong balansehin ang pagpapanatili ng mga kultural at moral na halaga ng mga Pinoy at ang karapatan sa layang magpahayag.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page