ni Lolet Abania | March 17, 2022
Walang pagtataas ng pamasahe sa mga railway lines sa bansa gaya ng LRT1, LRT2, MRT3, PNR sa kabila ng patuloy na pagsirit sa presyo ng mga produktong petrolyo, ayon sa Department of Transportation (DOTr).
“Maigting na paalala, instruction ni [Transportation] Secretary [Arthur] Tugade na walang inaasahan at walang pinaplano na pagtaas-pasahe sa linya ng ating mga tren,” pahayag ni DOTr Undersecretary for Railways Timothy John Batan sa Laging Handa briefing ngayong Huwebes.
“Alam natin na may pagtaas ng presyo sa langis na maaaring makaapekto sa presyo ng ating mga ibang bilihin, kung kaya’t sinisiguro natin… na sa sektor ng riles walang kinokonsidera na taas pasahe,” giit ni Batan.
Sa ulat, ang presyo ng mga produktong petrolyo ay tumaas ng 11 magkakasunod na linggo simula pa lamang ng taon, kung saan umabot ang year-to-date adjustments para sa diesel sa net increase ng P30.65 kada litro, gasoline ng P20.35 kada litro, at kerosene ng P24.90 kada litro.
Gayunman, naglabas na ang gobyerno ng pondo para sa fuel subsidies sa parehong public transportation at agriculture sectors upang makaiwas sa anumang tinatawag na inflationary impact dahil sa pagtaas ng presyo ng langis.