ni Mai Ancheta | July 4, 2023
Humirit ng dagdag-singil sa pamasahe ang operators ng Metro Rail Transit-3 para sa mga commuters ng kanilang mga train.
Ayon kay Department of Transportation Assistant Secretary for Railways and MRT-3 Officer-in-Charge Jorjette Aquino, muling naghain ng petisyon ang operators ng MRT-3 para magtaas ng singil sa pamasahe.
Nauna nang naghain ng petisyon ang MRT-3 noong Enero subalit hindi inaksyonan dahil sa isyung teknikal.
Mula sa kasalukuyang P11 na boarding fee, nais ng MRT-3 na gawin itong P13.29, habang P1.21 naman sa distance fee kada kilometro mula sa pisong sinisingil sa kasalukuyan.
Huling nagtaas ng pamasahe ang MRT-3 noong 2015.
Matatandaang inaprubahan ang fare hike ng Light Rail Transits 1 at 2 na magsisimula sa Agosto 2, 2023.
Inaasahang ilalabas ng DOTr ang magiging desisyon sa petisyon ng MRT-3 sa loob ng dalawang buwan dahil isasailalim pa umano ito sa masusing konsultasyon at pag-aaral.