ni Mai Ancheta @News | July 29, 2023
Inilagay sa state of calamity ang mga lalawigan ng Abra at Mountain Province dahil sa matinding pinsalang iniwan ng Bagyong Egay.
Inaprubahan ng sangguniang panlalawigan ng nabanggit na mga lugar ang rekomendasyon ng kanilang disaster councils na magdeklara ng state of calamity upang mapabilis ang relief at rehabilitasyon ng mga iniwang pinsala ng kalamidad.
Batay sa report ng Mountain Province Disaster Office, nag-iiwan ng tinatayang P350 milyong halaga ng pinsala sa mga pananim at ari-arian ang Bagyong Egay sa 10 munisipalidad.
Maraming mga bahay at mga pananim ang nalubog sa baha sa Abra bukod pa sa mga imprastrakturang napinsala dahil sa bagyo.
Naunang nagdeklara ng state of calamity ang lalawigan ng Ilocos Norte at Dagupan City dahil sa matinding pinsalang idinulot ng bagyo.