ni Jeff Tumbado | May 25, 2023
Hihikayatin ng Motorcycle Taxi Technical Working Group (MC Taxi-TWG) ang mga "habal-habal" operator, partikular na sa mga probinsya, na sumali sa pilot study na isinasagawa para sa MC Taxi.
Ito ay dahil sakaling maging ganap na batas ang panukala para gawing legal ang motorcycle taxi sa bansa, mas mababantayan at maaaring makatanggap ng mga benepisyo mula sa programa ang mga kalahok nito.
“Once they are part of the program, they will be regulated and will be trained in the aspects of proper operations, particularly in improving their driving skills through more advanced driver training once they become part of the program. That way, they can operate safely and securely, which will ultimately benefit the riding public,” pahayag ni Atty. Paul Austria, Secretariat ng MC Taxi-TWG.
Ang plano na ito ng TWG ay alinsunod sa panukala ni Sen. Raffy Tulfo sa gitna ng pagdinig ng Senate Committee on Public Services na pinangunahan ni Senador Grace Poe.
Sa kabilang banda, sinabi ni MC-TWG Chairperson Atty. Teofilo Guadiz III, na siya ring Chairperson ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), na titingnan din ng TWG kung kinakailangan pang palawakin ang lugar kung saan isinasagawa ang pilot study para sa mga MC Taxi.
Pag-aaralan din ng TWG ang posibilidad na magdagdag ng kalahok sa naturang pilot study at ng bilang ng mga rider na nakalaan para sa tatlong Transport Network Companies (TNCs) na kasama sa pag-aaral.
Kabilang sa mga TNC na lumahok sa pilot study ang Angkas, JoyRide at Move It.