ni Lolet Abania | June 1, 2021
Pinayagan na ng gobyerno ang pagluluwag ng mga restriksiyon kaugnay sa COVID-19 para sa domestic travel habang inaprubahan ang mga leisure trips mula sa NCR Plus at mga lugar na nasa ilalim ng general community quarantine (GCQ) at modified GCQ anumang edad ng biyahero o lahat ng edad mula Hunyo 1 hanggang 15.
Sa isang press briefing ngayong Martes, sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque na ang nasabing pagbiyahe ay pinapayagan na subalit dapat na negatibo sa test sa COVID-19 ang lahat ng mga travelers at sumusunod sa mga guidelines na ipinatutupad ng lokal na gobyernong kanilang pupuntahan.
Gayunman, nilinaw ni Roque na ang pagluluwag sa travel requirements ay pinapayagan lamang kung ito ay point-to-point travel. Binubuo ang NCR Plus ng mga lugar ng Metro Manila, Bulacan, Cavite, Rizal at Laguna.
Gayundin, ayon kay Roque, aprubado na rin ang outdoor non-contact sports, 30% operating capacity para sa mga venue meetings o conferences, 40% operating capacity para sa personal care services, at 30% sa outdoor tourist attractions para sa mga lugar na nasa ilalim ng GCQ with heightened restrictions, kabilang dito ang Metro Manila.