ni Mary Gutierrez Almirañez | May 23, 2021
Pansamantalang isasarado ang Iloilo City Hall simula bukas, May 24, upang mabigyang-daan ang RT-PCR tests sa mga elective officials at iba pang empleyado ng city hall, bunsod ng lumalaganap na kaso ng COVID-19 sa lungsod, ayon kay Mayor Jerry Treñas ngayong araw, May 23.
Kaugnay ito sa naging datos ng Iloilo City-Epidemiology and Surveillance Unit simula May 1 hanggang 22, kung saan 26 city hall employees ang nagpositibo sa COVID-19, kabilang ang 2 pumanaw.
Sa ngayon ay suspendido muna ang operasyon at transaksiyon sa city hall, habang isinasailalim sa strict isolation ang lahat ng empleyado.
Nilinaw naman ni Treñas na maaaring bumalik sa work-from-home arrangement ang mga magnenegatibo sa COVID-19.
Nauna na ring iniulat na pansamantalang ibabalik sa modified enhanced community quarantine (MECQ) o mas mahigpit na quarantine classification ang nasabing lungsod hanggang sa katapusan ng Mayo, batay sa inilabas na resolution order ng Inter-Agency Task Force (IATF) upang maiwasan ang pagkalat ng virus at ang mabilis na hawahan.