top of page
Search

ni Lolet Abania | May 12, 2021




Pinaplano ng pharmaceutical giants na Pfizer at Moderna na kumuha ng Emergency Use Authorizations (EUA) para sa COVID-19 vaccines na ilalaan sa mga kabataan, ayon sa Department of Science and Technology (DOST).


Ayon kay Dr. Nina Gloriani, head ng vaccine expert panel ng DOST, target ng Pfizer na makakuha ng EUA sa September umano ng kasalukuyang taon, habang ang Moderna ay maaaring magkaroon na ng tinatawag nilang child-friendly vaccines sa katapusan naman ng taon.


“Ang mga pag-aaral ng Pfizer ay napakabilis for these younger children... Hintayin na lang po natin na mag-apply sila ng EUA sa atin,” ani Gloriani.


“We look forward to that kasi maa-address niya ‘yung pagbabakuna sa isang age group na hindi natin makakaya with the other vaccines,” dagdag niya.


Kamakailan, inaprubahan na ng United States ang paggamit ng Pfizer vaccines para sa mga kabataang nasa edad 12 hanggang 15-anyos.


Ayon kay Gloriani, ang mga batang nabakunahan ng Pfizer vaccines ay nagpakita ng magandang resulta dahil wala sa 1,000 mga bata na naturukan ng bakuna ang na-infect ng COVID-19.


Sinabi pa ni Gloriani, nagsasagawa na rin ang Pfizer at Moderna ng mga pag-aaral sa efficacy ng kanilang COVID-19 jabs para sa mga bata na nasa edad 6 na buwan hanggang 11-anyos.


“This is a bigger study. Siguro mga 6,000 to 7,000 ang kailangan na participants hindi kagaya nitong mga 12-15 years old na hanggang 3,000 lang ang naging participants,” sabi ni Gloriani.


Matatandaang noong Marso 2020, ipinag-utos ng pamahalaan na dapat manatili lamang ang mga menor-de-edad sa loob ng bahay matapos na isuspinde ang face-to-face classes upang maiwasan ang pagkalat ng COVID-19 sa mga classrooms at eskuwelahan at mahawahan sila ng nasabing sakit.


 
 

ni Mary Gutierrez Almirañez | May 10, 2021




Nilinaw ng Department of Health na sila ang magsusumite ng application para sa emergency use authorization (EUA) ng Sinopharm COVID-19 vaccines at hindi ang Chinese manufacturer nito, batay sa naging panayam kay DOH Secretary Francisco Duque III ngayong umaga, Mayo 10.


Aniya, “Mag-a-apply tayo. Iyan ang proseso. Iyan ang kailangang sundin na proseso, batay sa komunikasyon sa ating FDA Director General Eric Domingo.”


Sabi pa niya, "Ngayong umaga, ang DOH, mag-a-apply ng emergency use authorization sa FDA para sa Sinopharm dahil meron na tayong emergency use listing na inilabas ng WHO nu’ng Sabado.”


Sa ngayon, ang mga bakunang may EUA pa lamang ay ang Pfizer, AstraZeneca, Sputnik V, Sinovac, Johnson & Johnson, Bharat Biotech at Moderna.


Matatandaan namang nagpabakuna kamakailan si Pangulong Rodrigo Duterte at ang Presidential Security Group (PSG) gamit ang Sinopharm ng China, kahit na hindi pa iyon nagagawaran ng EUA.

 
 

ni Mary Gutierrez Almirañez | May 5, 2021




Inaprubahan na ng Food and Drug Administration (FDA) ang emergency use authorization (EUA) para sa bakunang Moderna kontra COVID-19 ng US pharmaceutical firm, ayon sa kumpirmasyon ni FDA General Director Eric Domingo ngayong umaga, Mayo 5.


Nilinaw ni Domingo sa ginanap na Kapihan sa Manila Bay forum na inabot nang mahigit 9 na araw ang pag-e-evaluate nila sa mga isinumiteng dokumento ng Moderna bago naaprubahan ang EUA application nito.


Matatandaan namang sinabi ni Vaccine Czar Secretary Carlito Galvez Jr. na tinatayang 13 million doses ng Moderna ang binili ng pamahalaan at karagdagang 7 million doses nito ang binili ng private sectors na inaasahang ide-deliver sa bansa ngayong taon.


Nauna na ring nagpaabot ng liham si Senator Manny Paquiao kay US President Joseph Biden upang hilingin na pabilisin nito ang pagdating ng 20 million doses ng Moderna COVID-19 vaccines sa ‘Pinas.


Sa ngayon ay Sputnik V, AstraZeneca, Sinovac, Pfizer at Moderna pa lamang ang mga bakuna kontra COVID-19 na aprubado ng FDA ang EUA.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page