top of page
Search

ni Ronalyn Seminiano Reonico | June 28, 2021



Dumating na sa bansa ang 249,600 doses ng Moderna COVID-19 vaccine noong Linggo nang gabi.


Dumating sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 3 ang initial delivery ng Moderna vaccines mula sa United States bandang alas-11 ng gabi.


Sina Vaccine Czar Carlito Galvez Jr., Health Undersecretary Carol Tanio, US Embassy Economic Counselor David Gamble, Jr., International Container Terminal Services, Inc. (ICTSI) Executive Vice-President Christian Martin Gonzalez at ilang opisyal ng Zuellig Pharma ang sumalubong sa pagdating ng Moderna vaccines.


Ayon sa National Task Force (NTF), sa 249,600 doses, 150,000 doses ang binili ng pamahalaan at ang 99,600 doses naman ay binili ng ICTSI.


Samantala, inaasahan namang makatatanggap pa ang bansa ng 20 million doses ng Moderna COVID-19 vaccine ngayong taon, ayon sa NTF.


 
 

ni Ronalyn Seminiano Reonico | June 17, 2021



Bibili ang United States ng karagdagang 200 million doses ng Moderna COVID-19 vaccine.


Ayon sa Moderna, kabilang sa 200 million doses ang option sa pagbili ng mga experimental shots na kasalukuyan pang ginagawa.


Sa kabuuang bilang ay umabot na sa mahigit 500 million doses ng Moderna ang in-order ng US.


Ayon sa Moderna, maaaring iturok sa mga bata o maging booster shots ang kanilang bakuna laban sa COVID-19.


Kasalukuyang nagsasagawa ang Moderna ng clinical trials para sa third booster shot ng awtorisadong bakuna kabilang na ang experimental shots.


Una nang nakatanggap ng emergency use authorization (EUA) ang Moderna para sa mga edad 18 pataas at nagsumite na rin ang naturang drug firm ng aplikasyon sa US para sa EUA ng kanilang COVID-19 vaccine para sa mga edad 12 hanggang 17.


Samantala, noong Agosto, nilagdaan ng pamahalaan ng US ang $1.53 billion deal sa Moderna para sa 100 million vaccine doses.


 
 

ni Ronalyn Seminiano Reonico | June 11, 2021



Nakaranas ng heart inflammation o pamamaga ng puso ang ilang kabataang lalaki na nakatanggap na ng ikalawang dose ng mRNA COVID-19 shots mula sa Pfizer/BioNTech at Moderna base sa datos ng dalawang vaccine safety monitoring systems, ayon sa US Centers for Disease Control and Prevention (CDC) noong Huwebes.


Iniimbestigahan na ng CDC at iba pang health regulators ang kaso ng heart inflammation matapos iulat ng Health Ministry ng Israel na may nakitang koneksiyon sa pamamaga ng puso sa mga nabakunahan ng Pfizer COVID-19 vaccine.


Ayon sa ahensiya, pinag-aaralan pa ang nasabing kondisyon ngunit hindi pa umano masasabing may kaugnayan ang bakuna sa naiulat na myocarditis o pamamaga ng puso.


Ayon sa CDC, karamihan sa natanggap na ulat ng US Vaccine Adverse Event Reporting System (VAERS) na nakaranas ng heart inflammation ay mga kabataang lalaki na tumanggap ng second dose ng Pfizer o Moderna COVID-19 vaccines.


Nakapagtala umano ng 283 kaso ng heart inflammation ang VAERS sa mga edad 16 hanggang 24 matapos mabakunahan ang mga ito ng second dose.


Ayon naman sa Pfizer, susuportahan nila ang gagawing assessment ng CDC kaugnay ng heart inflammation cases.


Saad din ng kumpanya, "It is important to understand that a careful assessment of the reports is ongoing and it has not been concluded that the mRNA COVID-19 vaccines cause myocarditis or pericarditis.”


Ayon naman sa Moderna, nakikipag-ugnayan na rin sila sa public health at regulatory authorities upang pag-aralan at suriin ang naturang issue.


Nakatakda namang magsagawa ng pagpupulong ang CDC at Advisory Committee on Immunization Practices sa susunod na linggo hinggil sa insidente.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page