ni Lolet Abania | August 8, 2021
Mahigit sa 300,000 doses ng Moderna COVID-19 vaccine na gawa ng United States ang dumating sa Manila ngayong Linggo nang hapon.
Ang naturang shipment ay lumapag sa Ninoy Aquino Terminal Airport 3, ayon sa PTV 4. Sa isang press conference matapos salubungin ni vaccine czar Carlito Galvez, Jr. ang 326,400 Moderna COVID-19 vaccines, sinabi nitong ang mga doses ay binili ng pribadong sektor.
Makakatanggap ang Metro Manila ng 90,000 doses habang ang natitirang iba pa ay dadalhin sa mga lugar na may mataas na kaso ng COVID-19. “It will be deployed in NCR [National Capital Region] and other surge areas,” ani Galvez.
Dagdag niya, hanggang nitong Agosto 8, umabot na sa 11.2 milyong Pinoy ang fully vaccinated, kung saan nakapagtala ng 15.88% ng target eligible population at nasa 10.13% naman ng kabuuang populasyon ng bansa.
Ang target eligible population ay nangangahulugan ng mga edad 18 at pataas. Sinabi pa ni Galvez, sa ngayon ang Metro Manila ay nakatanggap na ng 2 milyong Moderna doses.
Nitong Agosto, matatanggap naman ng Metro Manila ang doses ng Sinopharm vaccines. Ang Pfizer vaccines ay maide-deliver sa Agosto 11, habang 2 milyong Sinovac doses ang darating sa Agosto 12.