ni Lolet Abania | February 23, 2021
Inatasan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kanyang mga Cabinet na pabilisin ang distribusyon ng mga lupa para sa mga rebeldeng nagbalik-loob sa gobyerno, ayon kay Cabinet Secretary Karlo Nograles.
Sa isang virtual press briefing, sinabi ni Nograles na nakatakdang magpamahagi ang pamahalaan ng 6,406.6 hectares ng lupa sa mga dating rebelde.
“Gusto nating mapabilis ang pag-distribute nito. Alam nating napakalaki ng role nito para sa ating peace efforts,” pahayag ni Nograles ngayong Martes.
Naganap ang Cabinet meeting kay Pangulong Duterte nu'ng Lunes ng gabi.
Matatandaang noong nakaraang linggo, nagkaloob si P-Duterte ng amnesty para sa mga dating communist rebels na nakagawa ng krimen na may kaukulang kaparusahan sa ilalim ng Revised Penal Code at Special Penal Laws dahil sa pakikipaglaban ng mga ito sa pulitikal na pinaniniwalaan.
Ang mga krimen na bibigyan ng amnestiya ay ang mga sumusunod: • rebellion/insurrection • conspiracy and proposal to commit rebellion or insurrection • disloyalty to public officers or employees • inciting to rebellion or insurrection • sedition • conspiracy to commit sedition • inciting to sedition • illegal assembly • illegal association • direct assault • indirect assault, at iba pa
Sa ipinagkaloob na amnestiya na nakasaad sa Presidential Proclamations 1090, 1091, 1092 at 1093 ay mabebenepisyuhan din ang ilan sa mga dating miyembro ng Rebolusyonaryong Partido ng Manggagawa ng Pilipinas/Revolutionary Proletarian Army/Alex Boncayao Brigade, Moro National Liberation Front (MNLF) at Moro Islamic Liberation Front (MILF).