ni Lolet Abania | October 28, 2022
Suspendido ang number coding scheme sa National Capital Region (NCR) mula Oktubre 29 hanggang Nobyembre 1 para ito sa Undas, ayon sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA). “May number coding po today, wala po sa October 29, 30, 31, to November 1, tapos ibabalik po sa November 2,” pahayag ni MMDA spokesperson Mel Carunungan sa isang public briefing ngayong Biyernes.
Ayon kay Carunungan, inaasahan na ng MMDA ang pagdagsa ng mga tao patungo sa mga sementeryo kapag Undas. Dahil dito, magde-deploy ang ahensiya ng mga personnel para makatulong sa pagsasaayos ng trapiko.
Una nang sinabi ng MMDA na nasa 1,500 personnel ang itatalaga sa mga lugar para sa Undas. Maglalagay din sila ng public assistance centers na may mga tents at ambulansiya sa limang pangunahing sementeryo: Manila North Cemetery, South Cemetery, Loyola Memorial Park, Bagbag Public Cemetery, at San Juan Public Cemetery.
Ayon naman sa National Capital Region Police Office (NCRPO), nasa tinatayang 10,000 pulis ang ang ide-deploy sa Metro Manila para tiyakin ang seguridad sa paggunita ng Undas o All Saints’ Day sa Nobyembre 1.
Kaugnay nito, sinabi ng MMDA na in-adjust na ang malls hours sa NCR mula alas-11:00 ng umaga hanggang alas-11:00 ng gabi kapag weekdays simula Nobyembre 14, 2022 hanggang Enero 6, 2023.
“Ang napagkasunduan na po ay starting November 14 up to January 6 the adjusted mall hours sa Metro Manila po ay from 11 a.m. to 11 p.m. on the weekdays po,” ani Carunungan.
Ayon pa kay Carunungan, pinayuhan ang mga mall owners na magsagawa na lamang ng kanilang mga sales kapag weekends at ipaalam ito sa MMDA sa gagawing aktibidad para makatulong ang ahensiya sa pagsasaayos ng trapiko.