ni Gina Pleñago | March 25, 2023
Suspendido mula sa Abril 6 hanggang 10 ang number coding scheme sa National Capital Region, ayon sa Metropolitan Manila Development Authority.
Ang Abril 6 at 7 ay Huwebes at Biyernes Santo, habang ang Abril 10 ay idineklara bilang Araw ng Kagitingan na isang regular holiday.
“Sa pamamagitan ng inter-agency action center, masusubaybayan natin ang real-time updates sa mga terminal ng bus sa Metro Manila para matiyak ang mas ligtas na paglalakbay ng commuting public at maayos na daloy ng trapiko sa ating mga kalsada habang sinusunod natin ang Semana Santa,” ani MMDA acting chairman Atty. Don Artes.
Binubuo ang multi-agency command center (MACC) ng mga kinatawan mula sa MMDA, Department of Transportation, Department of Public Works and Highways, Land Transportation Franchising and Regulatory Board, Inter-Agency Council for Traffic, Land Transportation Office, Philippine National Police, at local government units na magmo-monitor sa aktwal na katayuan ng major transport hubs, partikular na ang mga terminal ng bus sa Metro Manila mula Lunes Santo hanggang Abril 6, Huwebes Santo, kung kailan inaasahan ang pagdagsa ng mga pasaherong bibiyahe sa labas ng Metro Manila.