ni Mai Ancheta @News | August 21, 2023
Huhulihin at pagmumultahin ang mga motorsiklong dadaan sa bike lanes sa EDSA simula ngayong Lunes, August 21, 2023.
Ito ang inanunsyo ng Metro Manila Development Authority (MMDA) sa kanilang social media page.
Ayon sa MMDA, napakaraming motorsiklo ang gumagamit sa bicycle lane sa EDSA kaya hindi na halos magamit ng mga nagbibisikleta ang linyang nakalaan para sa kanila.
Ang mga mahuhuling motorsiklo ay pagmumultahin ng MMDA ng P1,000 dahil sa hindi pagsunod sa traffic sign.
Paliwanag ng MMDA, ang bike lane ay hindi fast lane para sa mga motorsiklo kaya dapat na hindi ito daanan ng mga nakamotor.
Naunang inihayag ng Department of Transportation (DOTr) na plano nilang magdagdag ng 470 kilometers na bike lanes at iba pang pedestrian infrastructures sa buong bansa para mapagaan ang biyahe ng mga mamamayang gumagamit ng bisikleta sa kanilang paglalakbay.