ni Eli San Miguel - Trainee @News | December 11, 2023
Nagbabala ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa publiko ngayong Lunes na asahan ang mas matinding trapiko sa mga lungsod habang nalalapit na ang Pasko.
Ipinahayag ni MMDA Chairman Romando "Don" Artes na mas bumabagal ang sitwasyon ng trapiko sa mga northbound at southbound lanes sa EDSA dahil sa Christmas rush.
“Bumagal 'yung daloy ng traffic (sa EDSA). Before. it's 17 kph ang southbound average speed. Ngayon ay 16 [kph] na lamang. Northbound dati. nasa 19-plus, almost 20 kph. Ngayon ay nasa 19 [kph] na lang,” saad ni Artes.
Dagdag niya, inaasahan din ang matinding trapiko sa weekend na sumasabay sa payday at sa weekend bago ang Pasko. Maaaring maging mas malala ito simula Disyembre 22, ang huling araw ng trabaho bago ang Pasko.
Ipinaliwanag ni Artes na ipinapatupad na ng ahensiya ang “no late, no absent policy” para sa lahat ng kanilang mga traffic enforcer upang makatulong sa mga motorista.
“Unang-una, in-extend na po natin 'yung ating deployment ng traffic enforcers hanggang alas-dose ng hatinggabi. Pangalawa, no absent no late policy tayo, no leave at ganu'n din po 'yung task force na Strike force na nagki-clear ng Mabuhay lanes,” sabi ni Artes.