ni Jasmin Joy Evangelista | October 18, 2021
Mahigpit na pinaalalahanan ng Philippine National Police (PNP) at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang mga may-ari ng night markets at tiangge na ipatupad ang minimum health protocols sa kani-kanilang puwesto.
Ito ay kasunod ng paglalagay sa Metro Manila sa Alert Level 3.
Ayon sa PNP, dapat ay may mga nakakalat na karatula na nagpapaalala sa mga mamimili sa wastong pagsusuot ng face mask at face shield at pagsunod sa physical distancing.
Mag-iikot din ang mga kapulisan para matiyak na nasusunod ang nasabing minimum health protocols.
Sinabi naman ni MMDA chairman Benhur Abalos na maglalabas din ang Inter-Agency Task Force ng mga panuntunan para sa operasyon ng mga night markets at tianggehan.
Ito ay matapos ma-monitor ng PNP at MMDA na marami ang nagpupunta sa mga pasyalan at kainan simula nang ibaba sa alert level 3 ang NCR.