ni Lolet Abania | November 7, 2021
Pinayagan na ang mga bata at mga matatanda na sumakay sa mga pampublikong transportasyon kasabay ng pagsasailalim sa Metro Manila sa Alert Level 2, ayon sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ngayong Linggo.
Sa pahayag ni MMDA Chairman Benhur Abalos, wala nang age restrictions para sa interzonal at intrazonal travel sa ilalim regulasyon ng Inter-Agency Task Force Against COVID-19.
“Ang sabi sa’kin ni (DOTr) Usec. Steve Pastor, nagkaroon lamang ng miscommunication sa IACT (Inter-Agency Council for Traffic), pero puwede raw ang mga matatanda at bata sa public transportation,” paliwanag ni Abalos sa isang sa interview ngayong Linggo.
“Klaro po ito, public transports: puwede ang bata, puwede ang matanda,” sabi pa ni Abalos.
Ayon sa Department of Transportation (DOTr), ang kapasidad ng mga pasahero para sa mga piling public utility vehicles (PUVs) at rail lines na nag-o-operate sa Metro Manila at karatig-probinsiya ay itinaas na sa 70% noon pang Nobyembre 4.
Pinayagan na rin ang bata sa mga malls sa Metro Manila simula naman nang isailalim ito sa Alert Level 2 nitong Biyernes.
Una na ring sinabi ng Department of Health (DOH) na dahil ibinaba na ang alert level status inalis na rin ang paglimita sa mga nais na puntahang establisimyento gaya ng mga malls na base sa edad at vaccination status.
Ayon naman kay Department of Tourism (DOT) Secretary Bernadette Romulo-Puyat, ang staycation sa ilalim ng Alert Level 2 ay pinapayagan na rin para sa lahat ng edad.
Gayunman, paalala nina Puyat at Abalos sa publiko na patuloy na sundin ang itinakda ng gobyernong minimum health standards tulad ng pagsusuot ng face masks.