ni Lolet Abania | November 22, 2021
Nakatakdang irekomenda ngayong linggo ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa Metro Manila mayors ang muling pagbabalik ng number-coding scheme sa hapon na rush hour.
Sa isang press briefing ngayong Lunes, sinabi ni MMDA chairman Benhur Abalos ang rekomendasyon ay nagmula sa Technical Traffic Division ng ahensiya.
“This week I’m going to present to the mayors the study of our Technical Traffic Division recommending na gawin muna nating hapon [ang number-coding], subukan natin,” ani Abalos.
Ayon kay Abalos, ang tinatawag na afternoon rush hour ay nagsisimula ng alas-5:00 ng hapon hanggang alas-8:00 ng gabi.
“Once they (mayors) approve it, ‘yun na ‘yun. It’s the Metro Manila Council,” sabi ni Abalos.
Kapag muling ipinatupad ang scheme, aniya ay inisyal na para sa mga private vehicles lamang, habang hindi kasali rito ang mga medical frontliners.
“Exempted ang public transport, kasi importante ang public transport,” saad ni Abalos, at ipinuntong ang mahabang pila ng mga pasahero na karamihan ay mga empleyado na bibiyahe ng papasok sa kanilang mga trabaho at pauwi kapag inabot na ng rush hours.
Sa ngayon, ang mga public utility vehicles (PUVs) ay pinapayagang magsakay ng 70% passenger capacity dahil pa rin sa COVID-19 pandemic.
Paliwanag ni Abalos na kahit ang bilang ng mga sasakyan sa lansangan ay humahabol na gaya sa pre-pandemic level, ang public transport system sa gitna ng pandemya ay hindi pa rin normal.
“Once sabihin namin na whole day you can’t use your car, they will have to queue,” wika ni Abalos. “We really have to balance things out.”