ni Lolet Abania | February 14, 2022
Nanawagan ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa mga supporters ng mga kandidato para sa 2022 elections na iwasan ang pagkakalat o pagtatapon ng mga basura habang nakikilahok sa mga campaign rallies.
“Ini-encourage natin ‘yung mga supporters ng atin pong mga kandidato na iwasan po ‘yung pagkakalat,” sabi ni MMDA officer-in-charge General Manager Romando Artes sa isang radio interview ngayong Lunes.
Ayon kay Artes, ang mga personnel mula sa Metro Parkways Clearing Group (MPCG) at Sidewalk Clearing Operations Group (SCOG) ng MMDA ay sinusundang linisin ang mga naiiwang mga basura sa mga katulad na aktibidad.
Una nang ipinaalala ni Department of Environment and Natural Resources (DENR) Secretary Roy Cimatu sa mga kandidato na dapat na maging environmentally conscious sa pagsisimula pa lamang ng campaign period noong Pebrero 8.
Pinaalalahanan din ni Cimatu ang mga kandidato na aniya, paghiwalayin nang maayos ang kanilang campaign materials at i-dispose ito nang tama.
Matatandaang ang DENR at mga concerned government agencies ay lumagda sa isang joint memorandum circular na hihimok sa mga political parties, party-list groups, at bawat kandidato na ipatupad ang Solid Waste Management Act of 2000 para sa pagkakaroon ng “Basura-Free Elections.”
Noong campaign period para sa 2019 elections, nakakolekta ang MMDA ng 29 truckloads o 200.37 tons ng discarded election-related materials mula Marso 1 hanggang May 16.