ni Jasmin Joy Evangelista | March 25, 2022
Pinag-aaralan ng gobyerno ang pagpapatupad ng daylight saving time sa gitna ng mabigat na daloy ng trapiko na naobserbahan sa pagpapatupad ng Alert Level 1 sa National Capital Region (NCR).
Ayon sa report ni Cedric Castillo sa Unang Balita nitong Biyernes, ang daylight saving time ay kabilang sa mga recommendations na natanggap ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).
"Baka daw po puwede na ang pasok sa gobyerno at yung mga transaksiyon sa gobyerno ay simulan ng 7 o' clock at mag-end ng 4 o' clock," ani MMDA chairman Romando Artes.
"Yan pong isang oras na iyan sa pasok po ng gobyerno ay malaking bagay dahil hindi lamang ang pumapasok sa trabaho sa gobyerno ang apektado niyan kundi pati na rin po yung mga may transaksiyon sa gobyerno."
Ayon kay Artes, susuriin nila ang naturang rekomendasyon.
Base sa datos ng MMDA, ang daily volume ng mga sasakyan sa kahabaan ng EDSA bago ang COVID-19 pandemic ay nasa 405,000. Bago ang serye ng sunod-sunod na pagtaas ng presyo ng petrolyo, ito ay nasa 390,000. Bumaba ito sa 370,000 sa kasagsagan ng oil price hikes.
Sa ngayon, ang number coding ay ipinatutupad along EDSA mula 5 p.m. hanggang 8 p.m. Pinag-aaralan pa ng MMDA kung ipatutupad din ito sa umaga.