ni Mary Gutierrez Almirañez | April 15, 2021
Umakyat sa ika-4 na alarma ang sunog sa Misamis Oriental Provincial Health Office kagabi, kung saan natupok ang 30 vials ng Sinovac COVID-19 vaccines, batay sa ulat ng Department of Health (DOH) Region 10.
Ayon sa ulat, nakalaan ang ilang nasunog na bakuna para sa healthcare workers ng kapitolyo at ipinagpapasalamat nila na hindi natuloy kahapon ang pagdating ng mahigit 1,000 doses na karagdagang bakuna mula sa DOH.
Paliwanag pa ng Cagayan De Oro Fire District, rumesponde sa sunog ang 19 fire trucks at halos dalawang oras ang itinagal bago naideklarang fire under control, kung saan mahigit P1.4 million ang halaga ng mga napinsala.
Sa ngayon ay inaalam pa ng pulisya ang sanhi ng sunog. Wala namang iniulat na nasugatan o nasawi sa insidente.