ni Lolet Abania | January 7, 2022
Target ng gobyerno na gawin ang pagbabakuna kontra-COVID-19 sa mga kabataang edad 5 hanggang 11 sa unang linggo ng Pebrero ngayong taon.
Ayon kay Department of Health (DOH) Undersecretary Myrna Cabotaje, hinihintay na lamang ng pamahalaan ang delivery ng doses ng Pfizer vaccine na inorder para sa pagbabakuna ng nasabing age group.
“Ang tinitingnan nating date, earliest first week of February, maumpisahan natin ‘yung pagbabakuna ng ating 5 to 11,” ani Cabotaje sa Laging Handa briefing ngayong Biyernes.
Binanggit naman ni DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire na posibleng dumating ang first tranche ng mga Pfizer vaccines sa katapusan ng Enero o sa unang linggo ng Pebrero.
“We have to understand there is a global shortage of these 5 to 11 years old na bakuna coming from this manufacturer, kaya nagkakaroon ng allocation per country sila ngayon,” paliwanag ni Vergeire.
“Hopefully, ‘yung commitment nila that they will provide us by the end of January until first week of February with the initial tranche for our vaccines [ay matuloy],” saad pa ni Vergeire.
Matatandaang na nito lamang huling bahagi ng Disyembre 2021 inaprubahan ng Food and Drug Administration (FDA) ang emergency use authorization (EUA) ng Pfizer vaccine para sa edad 5 hanggang 11.