ni Lolet Abania | January 31, 2022
Inanunsiyo ng Malacañang na ang pagbabakuna kontra-COVID-19 sa mga kabataang edad 5 hanggang 11 ay isasagawa sa anim na vaccination sites sa Biyernes, Pebrero 4.
Ayon kay acting Presidential Spokesperson Karlo Nograles, ang pagbabakuna sa naturang age group ay sabay-sabay na gagawin sa sumusunod na vax sites:
• The Philippine Heart Center
• Philippine Children’s Medical Center
• National Children’s Hospital
• Manila Zoo
• SM North Edsa (Skydome)
• Fil Oil Gym in San Juan City
“Mahalaga po ito sa ating paghahanda sa muling pagbabalik ng face-to-face classes, pisikal na balik eskwela,” ani Nograles sa Palace briefing ngayong Lunes. Sinabi ng opisyal na ang Pfizer vaccines para sa nasabing grupo ng menor-de-edad ay inaasahang darating ngayong linggo.
Una nang sinabi ng Department of Health (DOH) na may kabuuang 168,355 kabataan edad 5 hanggang 11 ang nagparehistro na para sa pagbabakuna kontra-COVID-19 sa kanilang mga local government units (LGUs).
Binanggit din ni National Task Force Against COVID-19 medical adviser Dr. Ted Herbosa na tinatayang 780,000 doses ng COVID-19 vaccine para sa mga minors ang darating sa Enero 31.
Samantala, ayon kay Nograles nasa tinatayang 7.5 milyon o 59% ng mga adolescents, edad 12 hanggang 17 ang fully vaccinated na laban sa COVID-19 hanggang nitong Enero 28.
“Tinitiyak natin na ligtas at epektibo ang mga bakunang gagamitin sa mga bata. Walang dapat ipangamba ang mga magulang. The doses for minors have been reformulated so that these are appropriate for them,” giit ni Nograles.
“Ibig sabihin, mas mababa po ang doses na ituturok sa kanila. Kaya’t kung available na ito sa inyong mga lugar, dalhin niyo na po ang inyong mga anak sa vaccination sites,” sabi pa ni Nograles.