ni Lolet Abania | October 8, 2021
Inianunsiyo ni Presidential Spokesperson Harry Roque ngayong Biyernes na ang mga menor-de-edad at mga fully vaccinated na indibidwal na 66-anyos pataas ay papayagan na para sa point-to-point interzonal travel na mula sa National Capital Region (NCR) sa mga lugar na nasa ilalim ng general community quarantine (GCQ) at modified GCQ.
Ayon kay Roque, nagdagdag ang Inter-Agency Task Force (IATF) ng isang probisyon sa guidelines para sa pilot implementation ng Alert Level System sa COVID-19 response sa Metro Manila na aniya, papayagan na ang point-to-point interzonal travel o pumunta sa mga lugar na nasa ilalim ng GCQ o MGCQ ang mga sumusunod:
• Mga 17-anyos pababa;
• Fully vaccinated individuals na 66-anyos pataas;
• Fully vaccinated individuals na may immunodeficiencies, comorbidities o iba pang health risks;
• Fully vaccinated na mga buntis
Gayunman, sinabi ni Roque na ang pagta-travel ay kailangan pa ring pasok sa guidelines at dapat sumunod sa mahigpit na health protocols na itinatakda ng Department of Tourism (DOT) at sa regulasyon ng local government unit (LGU) na pupuntahan o destinasyon.
Napagpasyahan naman ng IATF na i-extend ang pilot implementation ng Alert Level System sa NCR hanggang Oktubre 15.
Ang pagluluwag para sa interzonal travel ay ginawa kasabay ng pilot rollout ng pagbabakuna kontra-COVID-19 sa mga kabataang edad 12 hanggang 17-anyos sa NCR na magsisimula sa Oktubre 15.