ni Sister Isabel del Mundo - @Mga kuwento ng buhay at pag-ibig | June 07, 2023
Dear Sister Isabel,
Mayroon akong anak na mabait, magalang at masunurin, ngunit nitong nagdaang mga araw ay naging bugnutin at wala nang respeto sa akin.
25-anyos na siya at may dyowa. Madalas ay pinapapunta niya ang dyowa niya sa bahay at do’n niya na rin pinapatulog. Pinagsabihan ko siya na hindi tama ang kanyang ginagawa dahil hindi pa naman sila kasal. Nagalit ito sa akin at bigla na lamang akong sinampal. Napaluha ako, hindi ko akalaing magagawa niya akong saktan.
Tulungan niyo ako, Sister Isabel. Hindi ko na kaya ang ginagawa ng anak ko sa akin. Ano kaya ang marapat kong gawin?
Nagpapasalamat,
Nanay Donita ng Pangasinan
Sa iyo, Nanay Donita,
Hindi katanggap-tanggap ang ginagawa ng iyong anak sa iyo. Iparehab mo na ‘yan. Malamang ay gumagamit na iyan ng ipinagbabawal na gamot kaya nagawa niyang saktan ang sarili niyang ina. Kumilos ka na agad bago lumala ang lahat. Humingi ka ng tulong sa DSWD o sa mga kinauukulan. Hindi ‘yan kayang gawin ng matinong anak. Lumapit ka rin sa dalubhasang Psychologists o Psychotherapist. Humingi ka ng tulong sa kanila. Gawin mo na agad ang payo ko upang ‘di na humantong sa mas malala pang sitwasyon ang kalagayan mo.
Sumasaiyo,
Sister Isabel del Mundo