ni Sister Isabel del Mundo - @Mga kuwento ng buhay at pag-ibig | Marso 27, 2024
Dear Sister Isabel,
Ang problema ko ay ang aking asawa, isa siyang sundalo at naa-assign siya sa iba’t ibang lugar. Kasal kami, pero nababalitaan ko na may tatlo pa siyang babae bukod sa akin. Kaya pala hindi na siya nagpapadala ng pera sa amin, at kung magpadala man siya ay kulang na kulang. Sa ngayon, wala na kaming contact. Hindi niya na sinasagot ang tawag at messages ko sa kanya.
Ano kaya ang gagawin ko? Irereklamo ko ba siya sa pinapasukan niya sa Camp Crame? Tulungan n’yo ako.
Nagpapasalamat,
Dorothy ng Nueva Ecija
Sa iyo, Dorothy,
Ireklamo mo na siya sa Camp Crame. Sila na ang bahala magpataw ng kaukulang parusa sa kanya, pati suweldo niya ay direktang ipapadala sa iyo bilang legal na asawa niya.
Sa ganyang paraan, tiyak ko na kokontakin ka na ng asawa mo. Mag-usap kayo, hangga’t maaari huwag mo siyang awayin o sigawan. Diplomasya ang gamitin mo, maging mahinahon upang mailagay muli sa ayos ang pagsasama n’yo. Walang perpektong pagsasama, lahat ay dumadaan sa matinding pagsubok. Lawakan mo pa ang pasensya mo para maibalik na sa normal ang relasyon n’yo at maging maligaya kayo habambuhay.
Sumasaiyo,
Sister Isabel del Mundo