ni Sister Isabel del Mundo - @Mga kuwento ng buhay at pag-ibig | April 05, 2021
Dear Sister Isabel,
Matagal nang gumugulo sa aking isipan ang sitwasyong napasukan ko. Hindi alam ng asawa ko na may kinakasama ako sa Visayas at may isa akong anak sa kanya. Nadedestino ako sa malalayong lugar, kaya nagawa kong matukso sa iba. Mabait ang asawa ko at may tatlo kaming anak na puro babae, tapos na sila ng pag-aaral at nasa mabuti nang kalagayan.
Ang pangalawang babae sa buhay ko ay bata pa at may isa kaming anak na 2-anyos. Palagay ko ay nakakahalata na ang misis ko dahil madalang na akong umuwi sa kanya.
Ano ang mabuti kong magagawa, ipagtapat ang lihim ko o hayaan nang siya mismo ang makatuklas nito? Baka magkagulo kung malalaman ng misis ko ang lahat ng ito. Umaasa akong mabibigyan n’yo ng karapat-dapat na payo ang problemang idinudulog ko sa inyo.
Gumagalang,
Rod ng Cebu
Sa iyo, Rod,
Makabubuting sa bibig mo na mismo manggaling ang lahat. Ihanda mo ang iyong sarili sa anumang maaaring maganap kapag ipinagtapat mo na ito sa misis mo. Humingi ka ng tawad at magpakumbaba. Sa umpisa ay talagang masakit kapag nalaman ng misis mo ang iyong sikreto, subalit tulad ng sabi mo, mabait ang asawa mo, kaya sa palagay ko ay mauunawaan niya ang lahat. Makabubuting sabihin mo na rin sa kabit mo na may sarili kang pamilya at mas priority mo sila. Mangako ka na tuloy pa rin ang sustento mo sa kanila, lalo na sa anak n’yo. Bata pa ang kabit mo, kaya marami pa siyang makikilala na papalit sa iyo. Harapin mo nang mahinahon ang mga susunod na mangyayari. Gayundin, manalangin ka nang taimtim sa Diyos na gabayan ka sa napasukan mong sitwasyon dahil natitiyak kong mailalagay mo sa ayos ang lahat at sana ay matuto ka na sa iyong pagkakamali at huwag mo na itong ulitin pa.
Alalahaning sinumang lumalagay sa tamang landas ng buhay ang siyang pagpapalain. Subalit ang mga gumagawa ng labag sa kalooban ng Diyos ay magkakamit ng kaparusahang walang hanggan.
Nawa’y nabigyan ko ng kaliwanagan ang iyong isipan. Hanggang dito na lang, pagpalain ka nawa ng Dakilang Lumikha.
Matapat na sumasaiyo,
Sister Isabel del Mundo