ni Sister Isabel del Mundo - @Mga kuwento ng buhay at pag-ibig | April 26, 2021
Dear Sister Isabel,
Bagong kasal kami ng asawa ko at masayang namumuhay kahit kami ay mahirap lang. Mataas ang pangarap namin kaya napagkasunduan naming isa sa amin ang mag-abroad upang makaahon sa hirap at matupad ang aming mga pangarap. Sabay kaming nag-apply sa abroad at kung sino ang maunang matanggap, siya ang unang aalis.
Mabilis ang mga pangyayari, tinawagan agad ang asawa ko sa ina-apply-an niya at hindi nagtagal, tuluyan na siyang umalis upang magtrabaho sa abroad. Sa umpisa ay walang tigil ang aming communication, subalit dumating sa punto na bihira na siyang mag-video call o mag-chat at napag-alaman ko na mayroon na pala siyang kinakasama sa abroad at labis akong nasaktan, pero tiniis ko na lang ang sakit na nadama ko hanggang sa tuluyan na siyang hindi nakipag-usap sa akin.
Naputol na ang aming communication hanggang isang araw ay dumating bigla ang kanyang ina sa bahay namin at gustong papirmahan ang divorce paper na ipinadala ng asawa kong nasa abroad. Hindi ko pinirmahan kahit ako ay mayroon na ring iba. Nagmamahalan kami at namumuhay nang maligaya sa kasalukuyan.
Ano sa palagay n’yo, pipirmahan ko na ba divorce paper namin? Hihintayin ko ang inyong kasagutan.
Gumagalang,
Julie ng Batangas
Sa iyo, Julie,
Sa totoo lang, napakadaling pagpasyahan ang problema mo. Ngayong may kani-kanya na kayong mahal ng asawa mo, marapat lamang na ibigay mo na ang kalayaan niya upang ikaw ay mapanatag na rin. Tulad ng sabi mo, maligaya ka naman sa piling ng bago mong mahal, habang ang asawa mo naman ay nakatagpo na rin ng katapat niya, makabubuting pirmahan mo na ang divorce paper n’yo nang sa gayun ay makapagpakasal na rin kayo ng dyowa mo. Pakawalan n’yo na ang isa’t isa upang pareho kayong lumigaya.
Huwag kang manghinayang sa nakasanayang dapat siyang mapasaiyo dahil ikaw ang legal na asawa. Pabayaan mo na ‘yun dahil materyal na bagay lang ‘yun na madali ring maglalaho at mawawala. At sabi mo nga, mahirap lang kayo kaya siya nag-abroad. Samakatuwid, wala ka namang malaking kabuhayan na dapat panghinayangan. Ang mahalaga ay ang kapanatagan ng isipan at kaligayahan sa buhay na mahirap makamtan kung ganyang ayaw mo pa siyang bigyan ng kalayaan. Pirmahan mo na ang divorce paper n’yo at magpakasal na kayo ng karelasyon mo
ngayon.
Natitiyak kong kapwa kayo liligaya kung gagawin mo ‘yan, kaya ano pa ang hinihintay mo? Huwag ka nang magpatumpik-tumpik pa at pirmahan mo na sa lalong madaling panahon ang divorce paper n’yo. Hangad ko ang kaligayahan n’yo sa piling ng napili n’yong mahalin sa buhay.
Matapat na sumasaiyo,
Sister Isabel del Mundo