ni Sister Isabel del Mundo - @Mga kuwento ng buhay at pag-ibig | July 05, 2021
Dear Sister Isabel,
Masasabi kong isa ako sa masuwerte sa buhay. Nakakapag-abroad ako nang walang gastos dahil may mga kaibigan ako na magaan ang loob sa akin. Nililibre nila ako kapag sila ay namamasyal sa abroad. Isa sa kania si Lourdes, nasa America siya pero may boyfriend sa Singapore at balak na nilang magpakasal. Ako ang kaisa-isa niyang magiging abay kaya pumunta kami roon at siya ang gumastos. Nag-stay kami sa isang hotel habang hindi pa naaayos ang lahat ng kakailanganin sa kasal. Ayos naman ang naging kalagayan namin doon, ipinakilala niya ako sa mga kaibigan niya na may matataas na katungkulan sa Singapore. Pero napansin ko na gusto niya ay sunod-sunuran ako sa kanya, siguro dahil siya ang gumastos. Sumunod na lang ako nang sumunod sa anumang gusto niya kahit labag sa kalooban ko, pero hindi natuloy ang kasal dahil nagkasakit ang father nu’ng boyfriend niya at ipinagpaliban nila ang pagpapakasal. Pinabalik muna siya ng boyfriend niya sa America at ako naman ay bumalik sa Pilipinas.
Mula noon ay palagi niya akong ginagambala, maya’t maya ay tumatawag kahit alanganing oras. Kapag hindi sinagot ay masama ang loob niya at pati FB friends na hindi niya na kasundo at friends ko rin naman ay gusto niyang i-block ko rin. Inuutusan din niya akong mag-post sa FB ng pabor sa kanya at masisiyahan ang babasa. Dinidiktahan niya ako sa lahat ng dapat kong gawin at ‘pag ‘di ko sinunod ay magtatampo siya. Naiinis ako dahil labag sa kalooban ko na sundin ang pinagagawa niya, pero dahil naalala ko na may utang na loob ako sa kanya, napipilitan akong sundin siya. Hanggang isang araw, may pinagagawa na naman siya na hindi naman totoo para lang maging sikat siya sa FB friends niya.
Sa inis ko, hindi ko siya sinunod dahil pati ako ay matututong magsinungaling at madadagdagan ang kasalanan. Nagalit siya at sinita ako sa videocall namin at sa buwisit ko ay binlock ko siya. Wala na kaming contact at balak niyang ilibre ako ulit pagbalik sa Singapore kung matutuloy ang kasal niya. Paminsan-minsan ay nakokonsensiya rin ako dahil mahaba ang pinagsamahan namin bilang magkaibigan at wala siyang hingahan ng mga problema kundi ako lang.
Mag-isa siyang namumuhay sa America. May mga anak siya pero may kani-kanya na ring pamilya. Ano ang dapat kong gawin, i-unblock ko na ba siya at muling makipagkasundo sa kanya?
Nagpapasalamat,
Dorothy ng Quezon City
Sa iyo, Dorothy,
Tama ang ginawa mo, dapat lang na i-block mo siya dahil mali ang ginagawa niya sa iyo. Hindi ka dapat maging sunud-sunuran sa kanya dahil lang nilibre ka niya sa lahat ng gastos nang kayo ay mag-abroad. Dapat niyang maunawaan na hindi lahat ng bagay ay kayang bilhin ng pera. May sarili kang pagpapasya at dignidad. Hindi ka pulubi na humingi ng limos sa kanya o hinango niya sa hirap para bigyan ng magandang buhay. Hindi ganu’n ang sitwasyon n’yo at wala kang utang na loob na dapat tanawin sa kanya para sumunod sa bawat sasabihin niya. Kung tutuusin, siya pa ang may utang na loob sa iyo dahil pumayag kang makasama sa Singapore para maging abay niya kahit hindi naman natuloy ang kasal. Huwag kang makonsensiya sa pag-block sa kanya dahil tinuruan mo lang siya ng leksiyon na hindi porke mayaman siya ay hahawakan na niya sa leeg ang isang tao at gagawing sunud-sunuran. Sa nangyari sa inyong dalawa, maiisip niya sa kanyang pag-iisa na hindi lahat ay kayang bilhin ng pera. Ipanatag mo ang iyong kalooban ngayon at ipagdasal mo na lang na huwag siyang magtanim ng galit o sama ng loob sa iyo. Mauunawaan niya kung bakit mo nagawang i-block siya.
Nawa’y magsilbing paalala rin sa iyo na piliin mo lamang ang kaibigan. Makiramdam kang mabuti kung sino lang ang may magandang kalooban. Hindi dahil mayaman, ‘yun na ang iyong pipiliin. Hanggang dito na lang. Sumaiyo nawa ang pagpapala ng Maykapal.
Sumasaiyo,
Sister Isabel del Mundo