ni Sister Isabel del Mundo - @Mga kuwento ng buhay at pag-ibig | July 21, 2021
Dear Sister Isabel,
Magandang araw at nawa’y ligtas kayo sa anumang uri ng panganib at kapahamakan. Kakaiba ang ikokonsulta ko sa inyo at batid kong mabibigyan ninyo ko ng kaukulang payo na magbibigay-liwanag sa pagkatao ko. Napapansin ko kasi na parang dalawa ang katauhan ko.
Minsan ay nagpunta ako sa isang tindahan ng mga items from Japan at nakursunadahan ko ‘yung panggamot sa likod. Dinala ko ‘yun sa counter para bayaran pero sabi ay reserved na ‘yun at wala nang stock. Nagpatuloy ako sa pagtingin ng iba pang items at wala na akong nagustuhan kaya lumabas na ako sa tindahan. Nang malapit na ko sa exit, nakasalubong ko ‘yung saleslady na dala ‘yung gamot, ibinibigay niya sa akin dahil hindi na raw bibilhin. Tinanggap ko ‘yun at ang sabi ko ay babayaran ko, pero huwag ko na raw bayaran dahil ibinibigay na lang daw sa kin. Nang lalabas na ako ulit, hinabol ako nu’ng saleslady, bakit ko raw dala-dala, eh hindi pa ‘yun bayad. Ang sabi ko ay ibinigay niya sa akin, pero wala raw siyang sinasabing ganu’n at hindi raw siya lumalapit kahit kailan sa mga namimili. Binawi niya ‘yung gamot at kakaiba ang tingin niya sa akin na para bang pinagbibintangan akong magnanakaw. Ako naman ay takang-taka sa nangyari.
Kinabukasan, pumunta ako sa management office sa tinitirhan kong subdivision upang magbayad ng kuryente. Nakita ko sa office ‘yung manager ng mga basura na kinukolekta. Kinausap niya ang mga tauhan na lagyan ng basurahan ang tapat ng bahay ko at sinabing lalagyan na nila. One week ang lumipas, nag-follw-up ako sa office, pero sabi ng manager, walang patakaran ang subdivision ng ganu’n. Sinabi ko na last week lang ay kausap ko siya at inutusan niya ang mga tauhan na lagyan ng basurahan ang harap ng bahay namin. Wala raw siyang sinasabing ganu’n. Muli po akong nagtaka at hindi makapaniwala.
Kaya naman iniisip ko kung may dumodoble ba sa pagkatao ko? Sana ay matulungan ninyo ako sa problema ko. Isang bagay lang ang alam ko at hindi ako nasisiraan ng bait. Writer ako at taong simbahan, nirerespeto ako sa lugar namin at nagkamit na ng maraming karangalan. Sa akin din lumalapit ang mga kaibigan ko upang humingi ng advice kapag sila ay may mga problema. Wala silang alam na may dual personality ako na paminsan-minsan ay sumisingit sa aking pagkatao. Hihintayin ko ang payo ninyo. Maraming salamat.
Nagpapasalamat,
Cora ng Baguio City
Sa iyo, Cora,
Sadya ngang kakaiba ang problema mo. Mahirap isipin kung bakit ganu’n nga ang katauhan na nangyayari paminsan-minsan sa pagkatao mo. Marahil ay may lahi ka ng mga ninuno na may ganyang pagkatao at namana mo ito sa kanila. Ang pinakamaganda niyan, magbasa ka ng libro tungkol sa mga bagay na kapareho ng nararanasan o sumangguni ka sa psychologist o psychiatrist na mismo upang maliwanagan ka sa pagkatao mo. Sa palagay ko ay sila lang ang makapagpapaliwanag at makapagbibigay sa iyo ng tamang kasagutan sa tanong mo. Huwag kang mag-alala na baka isipin ng ibang tao na nababaliw ka na siguro kaya ka kumukonsulta sa psychiatrist. Ang isipin mo ay kung paano ka maliliwanagan sa nangyayaring kakaiba sa buhay mo at kung ano ang solusyong nararapat dito upang maibabalik sa normal ang katauhan mo.
Huwag ka nang magpatumpik-tumpik pa, kumonsulta ka na agad sa pinakamalapit na mga eksperto dahil sila lang ang puwedeng magbigay ng kaliwanagan sa problemang dinadala mo sa kasalukuyan.
Hangad ko ang kapayapaan at katahimikan ng iyong kalooban. Sumaiyo nawa ang pagpapala ng Poong Lumikha.
Sumasaiyo,
Sister Isabel del Mundo