ni Sister Isabel del Mundo - @Mga kuwento ng buhay at pag-ibig | September 09, 2021
Dear Sister Isabel,
Isa akong nanay na namumuhay nang solo sa piling ng aming dalawang anak ng asawa kong OFW. Bihira siyang umuwi at kung nandito man ay sandali lang at balik agad sa abroad. Nasanay na ako sa ganu’n, tutal sweet pa rin siya at kumpleto kami sa luho. Tahimik at masaya ang buhay namin nang biglang bulabugin kami ng isang problema.
May nagsabi sa akin na may babae sa abroad ang asawa ko at kamakailan lamang ay naanakan niya ito. Ayaw kong maniwala kaya agad ko siyang tinawagan at tinanong tungkol sa bagay na ‘yun at itinanggi niya. Giit niya pa, sinisiraan lang siya ng sinumang nagbalita sa akin nu’n. Hindi niya inamin ang katotohanan at pagkalipas ng isang taon, gaya ng nakaugalian, muli naming makakapiling ang asawa ko dahil magbabakasyon ulit siya at kahit maikling panahon lang ay masaya kami, subalit napakasakit ng loob ko nang dumating siya.
May dala siyang baby at umaming anak niya ‘yun at permanente nang ititira sa amin. Hindi na niya naitago ang katotohanan na may kinasama siya sa abroad at ang batang dala niya ay anak nila. Namatay sa aksidente ang babae niya, kaya inuwi na niya ang bata. Iyak ako nang iyak dahil nagtiwala ako sa kanya at naniwala na hindi siya nambababae sa abroad, ‘yun pala ay niloloko niya lang ako.
Napakasakit nito sa kalooban ko, napilitan akong tanggapin at alagaan ang bata, at dahil mahal ko ang asawa ko, nagawa ko rin siyang patawarin subalit matabang na ang pagtitinginan namin. Suklam na suklam ako sa baby nila ng yumao niyang kabit, ano ang marapat kong gawin para lubusang mawala ang hinanakit ko sa kanya at ibalik ang dating init ng aming pagsasama?
Gayundin, ano ang dapat kong gawin para mawala ang pagkasuklam ko sa baby niya na bagama’t ako ang nag-aalaga ay wala naman akong pagmamahal at malasakit sa naturang sanggol? Umaasa akong mapapayuhan ninyo ako sa problemang dinadala ko sa kasalukuyan.
Nagpapasalamat,
Lerma
Sa iyo, Lerma,
Sadyang napakasakit at mahirap dalhin sa kalooban ang ginawa ng asawa mo. Subalit wala ka nang magagawa dahil nand’yan na ‘yan. It takes time to heal your wounded heart, pero makakayanan mo ito. Naniniwala akong kayang-kaya mo ang problema mo ngayon, basta’t isipin mo na tao lamang tayong lahat na nabubuhay sa mundo. Hindi puwedeng wala tayong problemang kakaharapin, iba’t iba nga lang ang suliranin ng bawat isa. Patay lang ang walang problema, hindi ba?
Tanggapin mo nang maluwag sa kalooban ang nangyari sa inyong mag-asawa. ‘Yan ang problemang ibinigay sa iyo ng tadhana kaya harapin mo nang buong tapang at tanggapin nang may tibay ng damdamin at lawak ng kaisipan upang madaling maghilom ang sugat sa iyong puso. Unawain mo na ang asawa mo ay tao lang— marupok, madaling matangay ng tukso at kayong dalawa ay biktima lamang ng mapagbirong tadhana. Ang baby ay walang kasalanan sa mga pangyayari at sa iyo ipinagkatiwala ng tadhana ang naturang sanggol. Suwerte ang hatid niyan sa buhay mo, lalo na kung matututunan mong mahalin nang lubos. Buhos-buhos ang pagpapala sa inyo kung tuluyan mo na siyang mamahalin na parang tunay mong anak. Makikita mo na habang lumalaki ang bata, ang dulot nito sa iyo ay tuwa at mga pagpapala.
Malay mo sa iyong pagtanda, ‘yan pa ang mag-aalaga sa iyo at magpapamalas ng tunay na pagmamahal na hindi mo madarama sa tunay mong anak.
Acceptance, pagpapatawad at pag-ibig ang nararapat mong ipatupad sa iyong sarili sa kasalukuyan. Nabubura ng panahon ang alaala ng kahapon. Muling umuusbong ang halamang nalagasan ng dahon. Sa madaling salita, sa paglipas ng mga araw, tuluyan nang mabubura at mawawala sa iyong isipan ang pagtataksil ng asawa mo. Muling uusbong ang dating tamis ng pagmamahal mo sa kanya at tuluyan nang babalik sa dati ang lambing ng inyong pagsasama.
Sumasaiyo,
Sister Isabel del Mundo