ni Sister Isabel del Mundo - @Mga kuwento ng buhay at pag-ibig | September 27, 2021
Dear Sister Isabel,
Ang isasangguni ko sa inyo ay tungkol sa dalawa kong manliligaw. Ang isa ay guwapo, mayaman, matalino at halos lahat ng magandang katangian ay nasa kanya na. Siya ang gusto ng mga magulang ko na mapangasawa ko, pero ang tinitibok ng puso ko ay ‘yung manliligaw ko na mahirap, pero masaya ako ‘pag magkasama kami. Mabait siya, mahinahon, hindi marunong magalit at may sense of humor. Isa pa, walang puwang ang kalungkutan kapag magkasama kami.
Kaya lang, ayaw sa kanya ng parents ko dahil mahirap ang pamilya niya. Nasa hustong edad na ako kaya ang sabi ng parents ko ay dapat na akong mag-asawa at ang gusto nila para sa akin ay ‘yung mayaman kong manliligaw. Maging praktikal daw ako, lalo na sa panahon ngayon at hindi raw sila magiging masaya kung ang pipiliin ko ay ‘yung mahirap lang ang kalagayan sa buhay. Labis daw silang malulungkot at malamang ay magkasakit pa sa sobrang pagdaramdam. Naguguluhan ako kung sino ang dapat kong piliin dahil may katwiran din naman ang mga magulang ko. Aanhin nga naman ang pag-ibig kung kumakalam naman ang sikmura mo at halos hindi matugunan ang pang-araw-araw ninyong pangangailangan sa buhay?
Sister, ano ang dapat kong gawin, sundin ang mga magulang ko o ang tinitibok ng puso ko?
Nagpapasalamat,
Daisy ng Mabalacat, Pampanga
Sa iyo, Daisy,
Sundin mo ang tinitibok ng puso mo. Kung kanino ka liligaya, siya ang piliin mo. Ang pag-ibig ay mahiwaga at makapangyarihan. Kung pareho kayong nagmamahalan, aayon sa inyo ang tadhana dahil pagpapalain kayo at sasagana. Ganyan ang magiging kapalaran mo kung magiging totoo ka sa sarili mo.
Kung ang pipiliin mo ang ‘yung mayaman pero wala ka namang pagmamahal, hindi kayo magiging maligaya. Sa palagay ko ay mauunawaan naman ng mga magulang mo ang magiging pasya mo at makikita nila na kapag ang dalawang tao ay tapat at wagas na nagmamahalan, kasunod na niyan ang mga pagpapala at biyaya na siksik, liglig at umaapaw, ‘ika nga. Hangad ko ang katuparan ng iyong mga pangarap sa piling ng lalaking tinitibok ng puso mo.
Sumainyo nawa ang walang hanggang pagpapala at mga biyaya ng Dakilang Lumikha.
Sumasaiyo,
Sister Isabel del Mundo