ni Sister Isabel del Mundo - @Mga kuwento ng buhay at pag-ibig |November 16, 2021
Dear Sister Isabel,
Kasalukuyan akong nasa poder ng aking biyudong ama. Hiwalay kami ng ama ng anak ko dahil may asawa pala siya at kailan ko lang nalaman dahil bigla siyang naglaho.
Nabalitaan ko na lang na bumalik siya sa tunay niyang pamilya.
Buti na lang, inunawa ng tatay ko ang sinapit ko, kinalinga niya ako at sinuportahan sa araw-araw naming gastusin ng aking anak, ngunit namatay na siya. Bagama’t sa akin ipinaubaya ang naiwan niyang pension at iba pang financial benefits, ginigipit ako ng tatlo ko pang kapatid. Hindi ko pa nake-claim ang financial assistance ng aming ama at nakaabang na sila sa iba pang benepisyo at gusto ring makinabang ‘pag nakuha ko na. Pero ayaw naman nilang gumastos para sa mga requirements kahit alam nilang wala na akong maaasahan pa.
Sister, mayroon palang ganu’ng mga kapatid. Stable naman ang buhay nila, pero nakikihati pa sa halip na maawa sa kalagayan ko bilang solo parent na mahaba pa ang bubunuin para mapalaki at mapag-aral ang aking 5-anyos kong anak.
Isa pa, ‘pag hinati ko sa aming magkakapatid ang make-claim ko sa death benefits ng aming ama, kaunti na lang ang matitira. Ano ang dapat kong gawin sa aking mga kapatid para huwag na silang makihati sa mga benepisyo ng tatay namin at para na rin maunawaan nila na dapat ay tulungan pa nila ako sa kalagayan ko?
Masama ang loob ko at hindi ko na binabati ang mga kapatid ko. Hihintayin ko ang inyong payo para gumaan ang pakiramdam ko at matanggap na sadyang ganito ang buhay at hindi lahat ng kapatid ay may mabuting kalooban.
Nagpapasalamat,
Annabel ng Malabon
Sa iyo, Annabel,
Nakikidalamhati ako sa kalagayan mo. Ang buhay sa mundo ay sadyang iba’t iba ng kadramahan sa buhay. Lahat ay may kani-kanyang sitwasyong dapat harapin at solusyunan. Ang masasabi ko sa problema mo ay magpakatatag ka, lalo ngayong yumao na ang ama mo na siyang umako sa responsibilidad simula nang iwan ka ng ama ng iyong anak.
Isa lang naman ang anak mo, sa awa at tulong ng Diyos, tiyak na makakaraos kayo ng anak mo.
Oo, kailangan mong tumawag sa Panginoon. Magdasal at humingi ka ng gabay upang makaraos ka sa buhay. Tungkol naman sa mga kapatid mo, may parte talaga sila sa make-claim mong financial benefits na naiwan ng yumao mong ama. ‘Ika nga, lahat ng bagay ay nakukuha sa mabuting usapan, kaya kausapin mo sila nang mahinahon at ipaliwanag mong mabuti ang sitwasyon mo.
Palagay ko naman ay lalambot ang puso nila kapag naipaliwanag mo na hindi madali ang mga bagay-bagay na dapat isaayos at hindi ganu’ng kalaki ang makukuha gaya ng iniisip nila.
Natitiyak kong kapag naipaliwanag mo na sa kanila ang lahat, mauunawaan ka rin nila.
Blood is thicker than water, ‘ika nga, kaya mananaig ang pagiging magkakapatid ninyo.
Lahat ay magkakaroon ng kalutasan. Mapapanatag ka na at mawawala na ang sama ng loob na kinikimkim mo. Natitiyak ko ‘yan kung kakausapin mo sila nang may mababang kalooban at may kahinahunan. Iwasan mo ang galit at poot at tutulungan ka ng Diyos.
Sumasaiyo,
Sister Isabel Del Mundo