ni Sister Isabel del Mundo - @MgaKuwentongBuhayatPag-ibig | May 2, 2022
Dear Sister Isabel,
Maraming nagsasabi na nasa akin na lahat ang katangiang hinahanap ng mga lalaki sa isang babae. Subalit ang ipinagtataka ko ay parang walang sumeryoso sa akin at puro manloloko ang natatagpuan kong dyowa. Sa umpisa lang sila magaling at sa huli ay iniiwan din ako na para bang pinaglalaruan lang ang damdamin ko.
Gusto ko nang lumagay sa tahimik dahil 32-anyos na ako. Gusto ko nang mag-asawa at magkaroon ng mga anak, subalit parang wala na yatang matinong lalaki sa mundo.
Tulungan n’yo akong matagpuan ang lalaki para sa akin na magiging kasama ko habambuhay. Gayundin, tulungan n’yo akong manalangin sa Diyos Amang katas-taasan. Batid kong diringgin ng Diyos ang inyong panalangin. Nararamdaman ko na may kakayahan kayong makipagtalastasan sa katas-taasan.
Nagpapasalamat,
Desziree ng Malabon
Sa iyo, Desziree,
Nakakataba naman ng puso ang iyong paghanga sa akin. Salamat sa pagtitiwala at paniniwala na diringgin ng Diyos ang aking panalangin na makatagpo ka na ng katapat mo. Gayunman, ang pag-aasawa ay hindi basta-basta na kung sino ang karelasyon mo sa kasalukuyan ay ‘yun na ang kapalaran mo habambuhay. Dumarating ‘yan sa takdang panahon, na tanging Diyos lamang ang kikilos para sa inyo.
Hindi ito dapat hanapin dahil kusa itong darating sa takdang panahon. Huwag kang malungkot o manghinayang sa mga nakarelasyon mo noon dahil hindi sila ang destiny mo. Matuto ka sana na huwag masyadong seryosohin ang mga nagpaparamdam sa iyo upang hindi ka masaktan. Huwag mong ihulog nang husto ang loob mo.
Tandaan mo, karamihan sa mga lalaki ay mahusay umarte na para bang totoo ang pag-ibig nila pero hindi naman. ‘Yung iba ay may luha epek pa na parang naiiyak, pero ang totoo, mahusay lang umarte. Ganyan ang karamihan sa mga lalake na daig pa ang artista.
Kaya ang mga babae ay dapat magdoble-ingat at huwag magpapabola. Relax ka lang muna dahil darating sa takdang panahon ang kabiyak ng puso mo na inilaan sa iyo ng tadhana. Isama mo ‘yan sa iyong dasal at tiyak na pakikinggan ka ng Diyos.
Lakip nito ang taimtim kong pagdarasal na padatingin na ni Lord ang lalaking karapat-dapat sa iyo na makakasama mo habambuhay sa hirap at ginhawa, sa lungkot at saya.
Sumasaiyo,
Sister Isabel del Mundo