ni Sister Isabel del Mundo - @MgaKuwentongBuhayatPag-ibig | July 4, 2022
Dear Sister Isabel,
Ulila na kaming magkakapatid. Ako ang panganay, kaya ako ang tumatayong ama at ina ng mga kapatid kong edad 7 at13. Sa kagustuhan kong mapag-aral at makatapos sila kahit hanggang high school lamang, namasukan akong katulong. Stay-out ako, kaya nasusubaybayan ko pa rin sila at sama-sama kami sa iisang bubong, lalo na sa gabi.
Ang problema ko ay ang amo kong lalaki dahil kapag umaalis ang misis niya ay minomolestiya niya ako. Dumating pa sa punto na nakuha niya ang virginity ko, pero hindi ako makapagsumbong dahil tinakot niya ako na may masamang mangyayari sa akin kapag ginawa ko ‘yun.
Isa pa, wala naman akong mapapasukan na malaki ang suweldo dahil elementary lang ang natapos ko at ayaw ko ring mag-away sila nang todo ng amo kong babae dahil napakabait sa akin ng misis niya. Nahihirapan na ang kalooban ko, pero wala akong magagawa kundi hayaan na lang ang mga nangyayari.
Ano ang dapat kong gawin para makawala sa ganitong sitwasyon? Naguguluhan na talaga ako, kaya sana ay matulungan n’yo ako.
Umaasa,
Melinda ng Novaliches
Sa iyo, Melinda,
Huwag mo nang hayaang lumala pa ang mga pangyayari at mabuntis ka ng amo mo. Umalis ka na ngayon din sa bahay na ‘yan at huwag mo nang ipagpatuloy ang pagtatrabaho r’yan. Sa aking palagay ay makakatagpo ka naman agad ng ipapalit sa iiwan mong trabaho kaysa naman mapariwara ang pagkababae mo at babuyin ka ng amo mong ‘yan. Huwag mong ikatwiran na malaki ang sahod at baka hindi ka na makatagpo ng kagaya nu’n dahil maling katwiran ‘yan.
Lumagay ka sa tama. Magdasal ka nang taimtim sa Diyos na alalayan ka sa buhay na sinapit mo. Pagkalooban ka Niya nawa ng magandang pagkakakitaan upang magampanan mo ang pagiging ama at ina sa iyong mga kapatid. Mahal ng Diyos ang mga ulila at kasama ka ru’n.
Natitiyak ko na makakatagpo ka ng trabaho na higit pa r’yan sa iiwan mo. Gayudin, ingatan mo ang iyong pagkababae, huwag mong hayaang bastusin o gamitin ka ng sinumang lalaki na hindi mo naman mahal. Sagrado ang pag-ibig, kaya ibigay mo lang ang iyong sarili sa taong mahal mo.
Hanggang dito na lang, lakip nito ang dalangin ko na makatagpo ka agad ng bagong trabaho alang-alang sa mga kapatid mo. Makatapos nawa sila ng pag-aaral gaya ng pinapangarap mo.
Sumasaiyo,
Sister Isabel del Mundo