ni Sister Isabel del Mundo - @MgaKuwentongBuhayatPag-ibig | August 1, 2022
Dear Sister Isabel,
Kakaiba ang problemang isasangguni ko sa inyo. Hindi alam ng nanay ko na may relasyon kami ng stepfather ko. Lihim kaming nagde-date at maingat kaming magtago ng aming relasyon, kaya hindi nakakahalata ang mama ko. Enjoy na enjoy kami ng stepfather ko ‘pag magkasama kami at labis na rin akong umiibig sa kanya. Madalas kaming makalimot, kaya ngayon ay naramdaman kong buntis ako. Ano ang gagawin ko?
Sa lalong madaling panahon ay matutuklasan na ng mama ko ang lihim naming ito. Ang sabi ng stepfather ko, magpa-abort ako habang hindi pa halata ang pagbubuntis ko, pero hindi naman kaya ng konsensiya ko.
Naguguluhan ako, Sister Isabel, kaya sana ay matulungan n’yo ako. Hihintayin ko ang payo n’yo.
Nagpapasalamat,
Elsa ng Mandaluyong
Sa iyo, Elsa,
Nand’yan na ‘yan at nangyari na. Wala ka nang magagawa kundi mag-isip ng tamang solusyon sa problema mo ngayon. Sa palagay ko, lumayo ka sa lugar na ‘yan at sabihin mo sa stepfather mo ihanap ka ng matitirahan na malayo sa bahay n’yo. Sabihin mo sa iyong ina na nakatagpo ka ng mas magandang trabaho na may malaking suweldo at du’n mo isilang ang batang dinadala mo sa iyong sinapupunan nang walang nakakaalam at malayo sa tsismis ng mga kapitbahay.
Huwag na huwag mong ipapalaglag ang bata dahil kasalanang mortal ‘yan at malaking kaparusahan ang daranasin mo mula sa Diyos kung ipapalaglag mo ang sanggol sa iyong sinapupunan. Anak ng Diyos ‘yan, lahat ng batang isinisilang ay children of God at may role silang gagampanan sa mundo ayon sa kagustuhan ng Diyos Ama sa langit.
Sa kabilang dako, itigil mo na ang lihim na relasyon n’yo ng stepfather mo. Idilat mo ang iyong mga mata sa katotohanan na maling-mali ang landas na pinasok mo. Hindi ka pagpapalain sa ginawa mo at habambuhay kang kakarmahin.
Pagkasilang mo sa batang ‘yan, lumayo ka nang tuluyan sa nakabuntis sa iyo at humanap ka ng tutulong sa iyo upang makaiwas na sa bawal na pag-ibig. Kung sakali namang malaman ng nanay mo ang nangyari, asahan mong sa simula ay magagalit siya, pero kalaunan ay uunawain ka niya at tutulungan, lalo pa’t magkakaapo na siya sa iyo. Walang inang nakatiis sa anak.
Batid kong mapapatawad ka niya at tutulungang tumahak ng tamang landas. Gagawa siya ng paraan upang maisaayos ang sitwasyong kinakaharap n’yo. Kasihan nawa kayo ng Maykapal.
Sumasaiyo,
Sister Isabel del Mundo