ni Sister Isabel del Mundo - @MgaKuwentongBuhayatPag-ibig | August 15, 2022
Dear Sister Isabel,
Nasisiyahan akong basahin ang kolum n’yo. Hangang-hanga ako sa mga payo n’yo sa sumasangguni sa inyo. Akala ko ay magiging tagabasa na lang ako ng kolum n’yo dahil wala naman akong mabigat na problema, ‘yun pala ay isa rin ako sa hihingi ng payo sa inyo.
Kamakailan ay may natuklasan ako sa asawa ko. May ilegal na transaksyon pala siyang pinasukan, kaya palaging malaki ang perang ibinibigay niya sa akin, gayung hindi naman kalakihan ang kita sa negosyo namin.
Natatakot at nag-aalala ako dahil baka mahuli sila ng awtoridad at makulong siya kasama ng mga boss niya. Tinanong ko siya tungkol sa natuklasan ko, pero hindi siya umamin.
Hindi talaga mapanatag ang isip ko at naghihirap ang damdamin ko mula nang matuklasan ko ang ilegal na gawain ng asawa ko. Tulungan n’yo ako at payuhan kung ano ang nararapat kong gawin para tuluyan nang itigil ng asawa ko ginagawa niya bago mahuli ang lahat.
Nagpapasalamat,
Brenda ng Malabon City
Sa iyo, Brenda,
Mabigat at mahirap nga sa kalooban ang problema mo. Sa palagay ko ay kailangan mong kausapin nang masinsinan ang asawa mo at ipaunawa mo sa kanya na hindi lamang siya ang magdurusa kung matutuklasan ng mga awtoridad ang illegal transactions na kinasasangkutan niya kundi pati na rin kayong mahal niya sa buhay.
Hindi pa kamo huli ang lahat, kaya humiwalay na siya sa grupo. Kung sasabihin niyang hindi niya kayang gawin dahil baka ipapatay siya dahil iisipin ng mga kasamahan niya na madadamay sila, lumipat na kayo ng tirahan na malayo r’yan o kung puwede, magtrabaho muna sa abroad ang asawa mo. Mag-apply siya ru’n para tuluyan nang makaiwas sa ilegal na gawain dito sa Pilipinas. Kailangan niya itong gawin sa lalong madaling panahon nang hindi nalalaman ng mga kasamahan niya. Ipaunawa mo rin sa kanya na lahat ng bagay na masama ay may kaparusahan, habang ang lahat ng bagay na mabuti ay may gantimpalang nakalaan.
Lakip nito ang dalangin ko na sana’y maunawaan ka ng asawa mo at sundin ang ipapayo mo.
Sumasaiyo,
Sister Isabel del Mundo