ni Sister Isabel del Mundo - @MgaKuwentongBuhayatPag-ibig | September 5, 2022
Dear Sister Isabel,
Plano kong mag-abroad para guminhawa ang pamumuhay namin ng mga anak ko. May asawa naman ako, pero kuntento na siya sa pagiging tricycle driver at wala siyang ambisyon sa buhay. Gayunman, mahal ko pa rin siya at ganundin siya sa akin, pero ang problema, tiyak na hindi papayag ang asawa ko sa aking plano dahil hindi niya kakayaning umalis ako para magtrabaho nang malayo sa kanila ng dalawang anak namin na pawang nasa elementary at parehong babae.
Sister, ano ang magandang diskarte para pumayag ang mister ko na mag-abroad ako? May employer na ako, naghihintay na lang siya ng go signal ko para ma-process na aking ang mga papeles. Hihintayin ko ang payo n’yo.
Nagpapasalamat,
Yolanda ng Batangas
Sa iyo, Yolanda,
Mag-isip-isip ka nang mabuti bago tuluyang magpasya kung itutuloy mo ang pagtatrabaho sa ibang bansa. Sa aking palagay, huwag mong iwanan ang iyong pamilya kapalit ng dollar dahil marami nang nawasak na pamilya dahil d’yan. Akala kasi nila, kaginhawahan ang dulot ng dolyar sa pamilya, ‘yun pala ay pagkakawatak-watak at pagkakapariwara ng anak sa kamay mismo ng tatay niya o sa ibang tao.
Bukod pa r’yan, hindi mo mararamdaman ang pagmamahal ng mga anak mo dahil mawawalan kayo ng bonding, gayung nasa malayo ka at sa bandang huli, ikaw pa ang sisisihin at ituturo na masama. Pati ang asawa mo na ang sabi mo ay mahal na mahal ka, tiyak paglayo mo ay mawawala ang lahat ng pagmamahal na ‘yan dahil malayo ka na. Wala na kayong physical contact at ikaw ay tao lamang na may pangangailangang seksuwal. Baka ikaw mismo ay hindi makatiis at humanap ng kaligayahan sa piling ng ibang lalaki.
Ipinapayo ko na mag-isip-isip ka muna. Rito sa Pilipinas, ‘pag masipag at madiskarte ka, hindi ka magugutom at mararating mo ang mga pangarap mo sa buhay. Ang mag-asawang nagkakasundo at nagmamahalan ay papatnubayan ng Diyos at magiging maayos ang pamumuhay.
Manatili ka rito sa Pilipinas, gamitin mo ang iyong talino at kakayahan, lakipan mo ng sipag at tiyaga, at tiyak na uunlad at papalarin ang iyong pamilya.
Huwag ka ring makakalimot na tumawag sa Diyos dahil Siya ang kasagutan sa iyong mga pangarap.
Sumasaiyo,
Sister Isabel del Mundo