ni Sister Isabel del Mundo - @MgaKuwentongBuhayatPag-ibig | November 2, 2022
Dear Sister Isabel,
Ang problemang isasangguni ko sa inyo ay tungkol sa kuya ko at misis niya dahil dumadaan sila sa matinding pagsubok bilang mag-asawa. Nag-away sila dahil sa matinding selos ng kuya ko dahil may ibang lalaki raw ang misis niya, kaya lumayas ang hipag ko at hanggang ngayon ay hinahanap pa rin namin. Nag-aalala kami dahil baka may nangyari nang masama sa kanya. Gayundin, naaawa na ako sa kuya ko at sa dalawa nilang anak.
Sa katunayan, isang taon na lang ay ga-graduate na sa pagkapari ang kuya ko, pero hindi siya nakapasa sa huling pagsubok sa kanya. Nag-asawa siya at nagpakasal sila ng hipag ko.
Ano ang gagawin namin para makatulong sa problemang sinapit ng kuya ko at misis niya?
Sa palagay n’yo ba ay babalik pa ang hipag ko? Sana ay mabigyan n’yo ako ng nararapat na payo sa problemang idinulog ko sa inyo. Isang compound lang ang tinitirahan namin, kaya apektado kami sa problema ng kuya ko. Hihintayin ko ang payo n’yo.
Nagpapasalamat,
Gina ng Mandaluyong City
Sa iyo, Gina,
Sa palagay ko ay hindi n’yo talaga makikita ang hipag mo at hindi niya na gugustuhin pang bumalik sa kuya mo kung pinagbibintangan siyang may ibang lalaki. Natural lang na awayin siya ng kuya mo dahil marahil ay napatunayan niyang totoo ang hinala niya.
Sa ganyang sitwasyon, minabuti ng hipag mo na umalis at tuluyan na siyang iwan. Sa palagay ko ay pumunta siya sa lugar na hindi mahahanap ng kuya mo. Hindi siya missing gaya ng inaakala n’yo, kaya ipanatag n’yo na ang inyong loob.
Ang pinakamabuti n’yong magagawa ngayon ay ipagdasal na kumalma ang puso ng bawat isa. Huwag talunin ng galit at selos ang isipan ng kuya mo. Habang ang hipag mo, nawa’y ‘wag siyang maghangad ng material desire o kayamanan sa pamamagitan ng pagpatol sa ibang lalaki. Alalahanin nila ang sinumpaan sa simbahan nang sila’y ikinasal na magsasama sa hirap at ginhawa.
Sabi nga, lahat ng problema ay may kalutasan dahil walang permanente sa mundo. Naniniwala ako na sa pamamagitan ng sama-sama n’yong pagdarasal para sa kuya mo, hindi magtatagal ay magkakaroon ng kalutasan ang inyong problema. Magiging maayos na muli ang pagsasama nilang mag-asawa.
Tandaan, strong faith in God is the solution. Magtiwala kayo sa Diyos dahil Siya ang kikilos upang liwanagin ang isipan nilang dalawa. Magtiyaga lang kayo sa pagdarasal dahil babalik din sa normal ang lahat.
Sumasaiyo,
Sister Isabel del Mundo