ni Sister Isabel del Mundo - @MgaKuwentongBuhayatPag-ibig | December 7, 2022
Dear Sister Isabel,
Isa ako sa mga tagasubaybay ng kolum n’yo at gusto kong humingi ng payo sa inyo ang tungkol sa kaibigan ko.
Mag-best friend kami mula pagkabata, kaya batid kong babaeng-babae siya, pero nagtaka ako nang bigla siyang nagbago at parang naging tomboy. Palagi siyang nakadikit sa akin at parang tsinatsansingan ako, kaya tinanong ko kung tomboy ba siya, tahasan siyang sumagot ng “Oo” at in love raw siya sa akin. Nagulat at nabigla ako sa tugon niya. Mula noon ay umiwas na ako sa kanya dahil nandidiri ako sa pagiging tomboy niya, ngunit labis siyang nalungkot. Kinausap niya ako at nagbantang magpapakamatay kung tuluyan ko na siyang lalayuan.
Natatakot ako na ituloy niya ang sinabi niya na magpapakamatay siya kung tuluyan ko na siyang lalayuan. Ano ang dapat kong gawin? Sana ay mapayuhan n’yo ako bago mahuli ang lahat.
Nagpapasalamat,
Brenda ng Bataan
Sa iyo, Brenda,
Sa biglang tingin ay napakabigat ng problema mo, subalit kung talagang gagawan mo ng paraan upang malunasan ay tiyak na malulusutan mo ang problemang ‘yan tungkol sa kaibigan mo na noon ay babaeng-babae, pero naging tomboy kalaunan.
Ganito ang gawin mo, magpaalam ka na magtatrabaho ka sa abroad, pero sa totoo lang ay lilipat ka ng tirahan. Umalis ka muna sa lugar n’yo, magbakasyon ka muna sa malayong probinsya na hindi ka niya masusundan. Sabihin mo rin sa mga magulang mo ang tungkol sa best friend mong ‘yan kaya lalayo ka muna. Batid kong mauunawaan ka nila.
Sa ganyang paraan, tiyak na ibabaling ng best friend mo ang atensyon niya sa iba dahil wala ka na. Kumbaga, maghahanap siya ng kapalit mo hanggang sa tuluyan ka na niyang makalimutan. Pagbalik mo sa lugar n’yo, may mahal na siyang iba. Ganyan lang naman ‘yan, hahanap at hahanap siya ng ibang mapagbabalingan ng kanyang nararamdaman, at dahil hindi ka na niya makita, ibabaling na niya sa iba ang damdamin niya.
Hanggang dito na lang. Sumaiyo nawa ang pagpapala ng Dakilang Lumikha.
Sumasaiyo,
Sister Isabel del Mundo